NAKAKAALIW ang mga kuwentong ikinakambal sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayo’y hindi pa rin pinakakasalan ng isang pamosong male personality ang matagal na niyang karelasyon.
Palagi raw kasing tanong nang tanong ang male personality sa kanyang mga kaibigang nagpapakasal kung magkano ang ginastos ng mga ito nang magpakasal sila.
Kuwento ng aming source, “Pera ang reason, kasi nga, di ba, kilala sa pagiging mahusay humawak ng datung ang lalaking ‘yun? Natural, kapag nalalaman na niya kung magkano ang kabuuang gastusin sa kasal, bigla siyang nag-iisip. Ang laki-laki raw pala ng gastos!
“Pero impernes, ‘yun na talaga ang babaeng gusto niyang iharap sa altar. Sus naman, ano pa ba ang kailangang patunayan ni Ate Girl, samantalang sa lahat ng mga nangyari sa buhay niya, e, hindi naman siya iniwan ng girlfriend niya?
“Maraming nam-bash sa kanya nu’n, ang daming nanghusga sa nangyari sa kanya, pero ang girl, nasa tabi pa rin niya! So, ano pa ang kailangang patunayan ng girl, sobra talaga niyang mahal ang boyfriend niya!” kuwento ng aming impormante.
Pagdating sa usapin ng salapi ay maingat talaga ang male personality, pagiging maingat na pagiging makunat na nga ang kinauuwian, dahil may calculator siya sa utak.
“Kapag nasa ibang bansa nga ang grupo nila, siya lang ang hindi lumalabas ng hotel room niya para mag-shopping. Napakarami nang napapamili ng mga kasamahan niyang artista, pero siya, buung-buo pa rin ang talent fee niya! May calculator kasi siya sa utak, hindi siya maluwag sa datung, lalo na kapag may kamahalan ang stuff na gusto niyang bilhin.
“Nagdadalawang-isip siya kesehodang makapagpapasaya naman sa kanya ang gamit na ‘yun, kasi nga, e, nanghihinayang siya. Ganu’n siya kaingat sa pera, kahit para na sa kaligayahan niya, nakakaya pa rin niyang pigilan ang paggastos.
“Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kahit magkabali-bali na ang mga buto ng male personality na ito, e, okey lang, basta madagdagan ang laman ng kanyang kaban. It’s showtime, hulaan n’yo na kung sino ang male personality na ito,” pagtatapos ng aming source.