MUKHANG may naramdaman ang kampo ni Vice President Leni Robredo nang maglabas ng desisyon ang Presidential Electoral Tribunal kaugnay ng shading threshold sa mga boto noong 2016 elections.
Ang shading threshold ay ang laki o porsiyento ng pagkaka-shade sa bilog sa tabi ng pangalan ng kandidatong iboboto—remember, ang botohan kapag presidential at mid term elections ay automated, hindi isinusulat ang pangalan.
Sabi ng desisyon ng PET, dapat 50 porsiyento ng bilog ang na-shade para mabilang. Hindi pinagbigyan ang hiling ni Robredo na 25 porsiyentong shading threshold na siyang ginamit ng Commission on Elections noong 2016 polls.
Noong 2010 kasi, ang shading threshold ay 50 porsiyento, pero ibinaba ito ng Comelec sa 25 porsiyento noong 2016. Sumulat ang Comelec sa PET para ipaalam ang pagbabagong ito na kanilang ginawa.
Kung mas maliit sa 25 porsiyento ng bilog ang shade, hindi bibilangin ng automated counting machine ang boto.
Napaisip tuloy at pilit kong inaalala kung ano nga ba ang ginamit na pang-shade noon sa bilog.
Pagkakatanda ko ay parang marker o pentel pen ata yun. Kung itinuldok ng botante ang pangmarka sa gitna ng bilog, pasok na ba yun sa 50 percent o 25 percent lang yun?
Ang tanong ng madlang pipol, makakaapekto ba ang desisyong ito ng PET sa tunay na resulta ng halalan?
Ilang balota ba ang maaapektuhan ng 50 percent na shading threshold. Sapat ba ito para mabura ang mahigit 260,000 boto na lamang ni Robredo at manalo si dating Senador Bongbong Marcos?
Hindi kalakihan ang lamang ni Robredo kay Marcos, pero alam n’yo naman sa demokrasya, kahit isang boto lang ang lamang mo, ikaw ang panalo.
Kung tabla nga, idinadaan lang sa toss coin para malaman kung sino ang maluluklok sa puwesto.
Ang mahalaga sa isang eleksyon ay lu-mabas kung sino talaga ang nanalo. Yung iba ngang pulitiko, tatanggapin pa rin ang puwesto kahit ilang araw na lang siyang mananatili rito, kapag napagdesisyunan ang protesta. Ang mahalaga nga naman ay kung sino ang maideklara na tunay na nanalo.
Ang importante tanggapin ng matatalo ang kanyang kapalaran kahit na mahirap isipin na limpak-limpak na pera ang ginastos sa protesta.
Mayroon ding mga nag-aabang kung magsasalita ba si Pangulong Duterte kaugnay ng mga isyu sa PET.
Matagal-tagal na rin siyang nananahimik kaugnay ng 2016 polls.
Ang binabantayan din kung may mga kaalyado si Digong na makiki-alam sa PET.
Basta ang importante, lumabas ang tunay na nanalo.