NAGLABAS na ng panuntunan ang Department of Labor and Employment kaugnay sa profiling ng mga child laborer upang mas epektibong mailayo sila sa ilegal na child labor at mga kaparehong uri nito.
Ang child labor ay tumutukoy sa anumang trabaho o aktibidad na ginagawa ng isang bata na mababa sa 18 taong gulang, kung saan nalalantad sila sa mga uri ng pang-aabuso na lubhang mapanganib sa kanilang kalusugan, pati na rin sa kanilang pisikal at sikolohikal na kagalingan.
Kasabay ng kakula-ngan sa datos ng mga child laborer, nararapat lamang na magsagawa ng profiling sa mga target na child laborer at kanilang pamilya sa buong bansa upang magkaroon ng basehan para sa probisyon ng mga naaayong serbisyo at tulong upang maiiwas ang mga ito sa child labor.
Sa isang survey noong 2011 na isinagawa ng Philippine Statistics Authority, mayroong tinatayang 2.1 milyong kabataan na may edad 5 hanggang 17 ang dumanas ng child labor at 97.7 percent sa kanila ang nasa mapanganib na child labor. Gayunman, hindi nasasaad sa datos ang mga pangalan at lokasyon ng mga child laborers.
Sa nasabing kautusan, inaatasan ang mga DOLE Regional/Field Offices upang kunin ang mga datos mula sa mga katuwang na organisasyon upang makatulong sa profiling ng mga target na child laborer at mabatid ang pangangailangan at mai-refer sila sa tamang ahensiya na magbibigay sa kanila ng serbisyo at tulong na kinakailangan.
Ang profiling sa mga target child laborer ay magmumula sa National Household Targeting System for Poverty Reduction ng Department of Social Welfare and Development at sa pamamagitan ng Community Based Monitoring System na ipinatutupad ng iba’t ibang lokal na government unit.
Ang DOLE bilang pangunahing magpa-patupad ng programa ng Pilipinas laban sa Child Labor at tumatayo bilang chair ng National Child Labor Committee, ay magi-ging responsable sa monitoring at pag-uulat kung ang isang bata ay naialis na sa mga
aktibidad ng child labor.
Ang mga inisyatibong ito ay nakahanay sa Philippine Development Plan 2017-2022, kung saan target na mapababa ang mga kaso ng child labor nang hanggang sa 30 porsiyento o 630,000 mula sa tinatayang 2.1 milyong child laborer sa buong bansa.
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.