PINAY OFW sa Saudi, pinainom ng bleach.
Hindi na nakuntento sa pisikal na pananakit sa ating OFW, sapilitan pang pinainom ng bleach ang Pinay domestic helper na si Agnes Mancilla ng kanyang amo.
Kaagad namang naisugod ng kapwa OFW si Agnes sa Fahad Central Hospital, ngunit nasa kritikal na kondisyon pa rin ito.
Nakitaan din ng mga sunog sa likod si Agnes.
Mula pa pala 2016 ay nakararanas na ito ng napakaraming mga pang-aabuso mula sa kamay ng kanyang employer.
Kung tutuusin magdadalawang taon nang tinitiis ito ni Agnes. Katulad din ng marami nating mga OFW, takot silang magsumbong sa ginagawang pang-aabuso sa kanila ng mga amo.
Titiisin na lamang ‘anya nila ang mga sakit sa katawan sa takot din na maaaring sila pa ang mapagbintangan ng kung anu-ano at sa bandang huli, kakasuhan at sasampahan ng kung anu-anong reklamo ng employer upang maipakulong lamang sila.
Ang ilan naman, pilit na kinakaya ang mga pananakit na ito, at umaasang maaaring sa una lamang ‘anya ang mga iyon at hihinto rin si Madam o si Sir.
Ngunit hindi ito totoo. Kapag nasimulang saktan ng amo ang kaniyang domestic helper, masusundan iyon ng pangalawa, pangatlo at maraming beses pa, hanggang sa maging araw-araw na bahagi na iyon ng kaniyang buhay sa loob ng tahanan ng amo.
Gayong wala naman sa kontratang napirmahan sa pagitan ng amo at OFW na puwede silang saktan ng mga ito, ngunit ito ang tunay na nangyayari. Natutulog at nagigising sa takot ang OFW.
Sa kasalukuyan, umiiral pa rin ang ban sa pagpapadala ng Pilipino sa Kuwait dahil sa natagpuang katawan ng OFW sa isang freezer kamakailan lamang, ngunit may isang taon na pala itong naroroon.
Nananatili pa rin ang naturang ban gayong nahuli na at nasentensiyahan ang mag-asawang Syrian at Lebanese na itinuturong pumatay sa Pinay.
Ipinasasama na rin ang mga kaso ng pang-aabuso sa Saudi Arabia at ilan pang mga bansa sa Gitnang Silangan.
Mukhang magtutuloy-tuloy nga at mapapalawig pa ang ban ng deployment kung patuloy na makatatanggap ng ganitong mga ulat ang ating pamahalaan.
***
Kauuwi lamang ng isa pa nating OFW na natalo naman sa kaniyang kaso sa Saudi ng binuhusan siya ng kumukulong tubig ng employer.
Tumagal pa ito ng apat na taon doon dahil kinasuhan din siya ng amo. Gayong natalo din ang kaso ng amo, parehong talo sila sa mga kasong isinampa
laban sa isa’t isa.
Pero may isang totoong talo rito —ang ating Pinay OFW na biktima ng pang-aabuso at hindi rin nakuha ang kaniyang katarungan.
Apat na taong inilaban ang kaniyang kaso, walang trabaho at sa bandang huli, talo pa rin!
***
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com