Kim kay Tetay: Siya lang ang nag-iisang Horror Queen!
HINDING-HINDI raw maaagaw ni Kim Chiu ang titulong Horror Queen mula sa itinuturing niyang ate sa showbiz na si Kris Aquino.
Matapos tumabo sa takilya ang huling horror movie ni Chinita Princess na “The Ghost Bride”, muling mananakot ang dalaga sa bago niyang pelikula, ang horror-comedy na “Da One That Ghost Away” under Star Cinema, showing na ngayong April 18.
Makakasama niya rito sina Ryan Bang, Chokoleit, Odette Khan, Lassy Marquez, Pepe Herrera, Moi Bien, Matet de Leon, Marissa Delgado, Enzo Pineda at ang tambalan nina Maymay Entrata at Edward Barber.
Ayon kay Kim, kung natakot sila sa karakter niyang Mayen sa “The Ghost Bride”, magkahalong suspense, horror at comedy naman ang pagdaraanan ni Carmel in “DOTGA”. Pero aniya, may pagkakapareho rin ang dalawa niyang karakter.
“Parehas sila na gagawin ang lahat para sa pamilya which is yun ang pinakagusto ko na parang i-portray na typical na Pilipino na anak na gagawin ang lahat para sa magulang. Ito naman gagawin din niya lahat para sa lola niya.
“Tulad sa totoong buhay laking lola din ako so parang malapit sa akin itong role na ito. Yun ang pinagkapareha nila. Ang pinagkaibahan lang nila is si Mayen ay mag-isa niyang tinahak ang problema niya, sinolo niya lahat, inayos niya mag-isa. Eto naman si Carmel meron siyang mga kaibigan at saka sobrang jolly siya. Si Mayen serious na laging kabado. Heto si Carmel fun lang na may maraming barkada at merong pinsan at lola,” kuwento ni Kim sa grand presscon ng “DOTGA”.
Chika pa ng dalaga about her new movie, “Masaya ako na after ng ‘Ghost Bride’ eto ulit horror. Pero yung iba takot sa horror. Ito horror-comedy, dalawang genre na gustong gusto ko i-portray yung manakot at magpatawa. So nangyari siya sa isang pelikula kaya gusto kong i-spread the word sa lahat na sobrang mag-e-enjoy sila. Money back guaranteed kung hindi sila matawa.”
Natanong naman si Kim kung siya na ba ang bagong Horror Queen na pwedeng pumalit sa trono ni Kris na ilang beses nagreyna sa takilya dahil sa mga nagawa niyang horror movies.
“Hindi, siya pa rin at wala ng iba. Magka-text naman kami and happy siya na nag-horror ulit ako pero may comedy. Bagay daw sa akin, ganyan. So parang natutuwa naman siya,” aniya. Pero payag daw siyang maging Horror Princess.
In fairness, sa trailer pa lang ay nakakatawa na ang “DOTGA” kaya nangangamoy blockbuster na naman sa April 18.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.