Ian bibida sa life story ng National Artist sa MMK

BAGO nakilala para sa kanyang mga makasaysayang obra, binigyang kulay ng pag-ibig at pinatibay ng iba’t ibang karamdaman ang buhay ng National Artist for the Visual Arts na si Cesar Legaspi.

Tunghayan ang kwento ng naging buhay nila ng asawang si Betty sa natatanging pagganap nina Ian Veneracion at Angel Aquino sa Maalaala Mo Kaya ngayong gabi sa ABS-CBN.

Lumaki bilang isang masakiting bata, nadiskubre ni Cesar na siya ay color blind pagtungtong niya ng kolehiyo habang nag-aaral ng fine arts. Ngunit hindi ito naging hadlang para abutin niya ang kanyang mga pangarap at magpatuloy sa pagpinta.

Pagsapit ng 1930s, nakilala niya ang magiging pinakamalaking tagasuporta niya – si Betty – ngunit hindi magiging madali para sa dalawa ang kanilang relasyon dahil tutol ang pamilya ng dalaga sa kanya.

Hindi nagtagal at pumayag na ang pamilya ng dalaga na pakasalan si Cesar. Ngunit tatamaan naman ng bagong pagsubok ang kanilang pagsasama – magiging bedridden si Cesar dahil sa emphysema, at kinailangan din niyang talikuran ang sining upang magtrabaho sa isang promotions company.

Paano nga ba ipinagsabay ni Cesar ang pagpapakadalubhasa sa pagpipinta at pakikipaglaban sa pag-ibig? Paano nalagpasan ng mag-asawa ang iba’t ibang pagsubok sa kanilang buhay?

Makakasama rin sa espesyal na episode na ito ng MMK sina Patrick Sugui, Mary Joy Apostol, Ria Atayde, Krystal Mejes, Josef Elizalde, Nathaniel Britt, Jessica Marasigan, Dexie Daulat, Mica Javier, Jane de Leon, Aurora Sevilla, Andre Garcia, Carla Martinez at Hannah Ledesma.

Ito’y sa direksyon ni Jeffrey Jeturian at sa panulat ni Benson Logronio. Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head na si Roda dela Cerna.

Abangan ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.

Read more...