Haharangin ang sinumang hindi residente ng Boracay, lalo na ang mga turista, kung mangangahas na pumasok sa isla oras na magsimula ang anim na buwang pagsasara nito sa Abril 26, ayon sa mga otoridad.
“Identified tourists will not be allowed into the island and will be stopped at the Jetty Port,” sabi sa guidelines na nilabas ng inter-agency task force na nangangasiwa sa rehabilitasyon ng Boracay.
Nakuha ng Bandera ang sipi ng mga panuntunan sa Aklan provincial police, na bahagi ng task force.
Batay sa mga panuntunan, mga residente, trabahador, at resort owner lang ang papapasukin sa isla, pero kailangang may dala silang katibayan ng “residency” sa alinman sa tatlong barangay doon.
Maging ang mga bisita ng mga residente’y di na rin papapasukin simula Abril 26.
Makakapasok lang sila kung may “emergency,” pero kailangang magpaalam sa mga kinatawan ng Department of Interior and Local Government, pulisya, at lokal na pamahalaan.
Papapasukin naman ang mga mamamahayag kung pahihintulutan ng Department of Tourism, pero limitado ang mga mapupuntahan at oras ng pamamalagi sa isla, ayon sa guidelines.
Kailangan namang magpa-revalidate ng mga banyagang residente sa Bureau of Immigration bago payagang makapasok.
Kaakibat ng pagsasara ng Boracay ang pagbabawal sa pagsi-swimming sa alinmang bahagi ng isla. Gayunpaman, maaaring mag-swimming ang mga residente doon lang sa Angol Beach sa Station 3, mula alas-6 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Nakasaad din sa guidelines na di pahihintulutan ang pagtatayo ng “floating structures” 15 kilometro mula sa dalampasigan ng Boracay.
Una nang binuo ng pulisya ang Metro Boracay Task Force, na kinabibilangan ng 610 pulis, para tiyaking payapa at maayos ang rehabilitasyon ng isla.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.