HINDI pa ba sapat na yamutin ninyo ang mga tao, ang pamamahala, ang langit? Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Is 7:10-14; 8:10; Slm 40:7-11; Heb 10:4-10) sa Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon
Nagkalat. Iyan ang agad na sinasabi ni Dakila Castro sa akusado (kay Sereno, respondent, di akusado) kapag maliguy ang sagot sa tanong ng huwes sa bista. “Just answer the question,” anang isang mahistrado kay Sereno sa bista sa Baguio. Iyan din ang sagot ng huwes may 40 taon na ang nakalilipas sa bistang tangan ni Castro sa Kapitolyo (Pasig), dahil nagkakalat sa paglilitis.
Nagkakalat. Dahil “emotionally unstable” nga at mababa ang “intelligence quotient?” Pero, ani Sereno, ibinigay ng Diyos ang pagiging CJ sa kanya. Tama. Mapagbigay ang Diyos, at binabawi rin Niya ang biyayang di karapat-dapat sa paglipas ng panahon. Kung tunay nga ang paglingap ni Sereno sa Diyos, dasalin niya ang makapangyarihang “Panalangin para sa mga taong Nakasakit sa Akin.
Sa pagdinig sa Katarungang Pambarangay, karaniwang pinagsasabihan, o pinababalik na lang kapag nahimasmasan na, ang respondent na imbes sagutin ang reklamo ay nandadamay pa o babaligtarin ang nagreklamo. Kunsabagay, wala namang karanasan si Sereno sa pagharap sa Lupon o sa MTC/RTC. Bakit pag-aaksayahan pa siya ng panahon ng mga diyosa ng Olympus? Nakayayamut
Sina Sereno, Dengvaxia, Mamasapano, MRT, trapik ay nagmula sa isang tao, si Noynoy Aquino. Nagkalat si Aquino at napakaraming kalat ang kanyang iniwan. Napakarami ring namatay, at patuloy na namamatay, sa mga kalat na iniwan ni Aquino. Nakapagtatakang hanggang ngayon ay wala pang nagwawalis sa mga kalat na ito at hindi pa hinahabol ang nagkalat.
Mula sa Diocese of Cubao hanggang sa Vicariate of Santo Nino sa North Caloocan (Diocese of Novaliches), pitong beses akong pinara sa checkpoint ng mga pulis. Hindi pala pinaiiral ang “perceived violation” sa mga nakamotor. Wala naman akong perceived violation pero ang palaging sinasabi ng pulis ay titingnan daw ang OR/CR ng motor.
Talagang api ang nakamotor. Kung ikinakatuwiran ang OR/CR, dapat sitahin din ang apat ang gulong dahil sa mata ng batas ay pantay ang lahat. Ang Lantana hanggang Vicariate ay 25 kms lang. Pinapara pala ako ng pulis tuwing 3.5 kms. Hindi pa umuupo sa puwesto si Albayalde; paano na lang kung nakapuwesto na siya? Dumami ang checkpoint dahil sipsip ang mga hepe kay Albayalde. Nakayayamut.
Hindi maubus-ubos ang droga sa Quezon City kahit kabi-kabila ang operasyon ng mga pulis gabi-gabi. Dahil masipag si Eleazar, NCRPO ang gantimpala niya. Kaya nga, mas marami ang droga sa North Caloocan dahil walang operasyon ang pulis. Ang ebidensiya ng shabu ay nasa amats. Kapag gabi hanggang madaling araw ay may batuhan sa kalye, tinatamaan ang mga sasakyan at bahay dahil bangag ang kabataan.
UST (Usaping Senior sa Talakayan): Huwag ilihim ang edad, lalaki man o babae. Di mapipigilan ang pagtanda at dapat ipagmalaki pa ito. Ang naglilihim ng edad ay nagsisinungaling. Bakit pagdating sa sinehan o fastfood ay lumalabas ang tunay na edad para makalibre/diskuwento? Bakit pagdating sa presinto ay saktong edad ang isinusulat?
PANALANGIN: Igawad Mo ang iyong biyaya sa mga nakasakit sa akin.
MULA sa bayan (0916-5401958): Ang kailangan namin ay murang bigas. Isang magbibigas ay ibinabase ang presyo sa dyaryo. …1842, San Jose, Bislig City