Domestic workers, caregivers sa Canada, kabado ngayon!

KAPAG Canada ang pag-uusapan, sang-ayon ang maraming Pinoy OFW na nais lumipat sa bansang ito kahit pa nasa abroad na sila at pareho ring trabaho ang papasukan doon.

Dahil kapag nasa Canada na umano sila, may tsansang makuha nila ang mga kapamilya at manirahan na doon.

Ngunit maraming reklamo ang natanggap ng Bantay OCW nitong nakalipas na mga taon dahil biktima sila ng illegal recruitment. Nagbayad sila ng pagkalalaking mga halaga upang makarating lamang ng Canada ngunit naloko lamang sila.

Maging ang mga domestic workers natin sa Hongkong, OFWs sa Dubai, Italya at ilan pang mga bansa sa Europa ay napaulat na pawang mga nabiktima ng mga illegal recruiters at pinangakuan silang dadalhin sa Canada.

Marami-rami ring OFWs natin ang nagsipag-resign sa kanilang mga trabaho sa Hongkong, nagbayad ng daang libong placement fee dahil nahikayat ngang lumipat ng Canada.

Kaya nga lamang dapat silang magsipag-resign sa kanilang mga trabaho, uuwi sa Pilipinas at sa bansa mag-aaply ng visa patungong Canada.

Ngunit hindi ganun ang nangyari. Dahil ayaw na ayaw ng Canadian embassy na may namamagitan sa aplikante at sa kanilang embahada. Wala silang pinapayagang recruitment agency na siyang mag-aaply para sa isang Pilipinong nais magtungo at magtrabaho sa Canada.

Isa pa, kinakailangang mapatunayan na wala ngang Canadian citizen na makuha para sa patrabahong inaaplayan ng dayuhang manggagawa. Doon lamang maaaring magbukas ng oportunidad para sa kanila.

Talagang pinaghihirapan ng bawat Pinoy na makarating sa Canada. Ngunit may malungkot na balita para sa mga tatamaan ng bagong polisiyang ipalalabas ang bansang ito.

Hindi na maaaring mabigyan ng permanent residency status ang mga foreign domestic workers doon kung hindi umabot ng dalawang (2) taong pananatili hanggang November 2019.

May dalawang programa umano na pinag-aaralan ang Federal Government hinggil sa mga caregivers na nag-aalaga ng mga bata at ng mga matatanda.

Maaaring alisin, baguhin o palitan ng panibagong programa depende sa kung ano ang magiging resulta ng naturang pag-aaral.

Ayon kay Immigration Spokesperson Faith St. John, inilunsad nila iyon bilang five year pilot project noong 2014 at nakatakda nang magtapos ngayong 2019.

Marami ang nangangamba sa napipintong implementasyon ng bagong programang ito. Maaaring hindi sila umabot sa dalawang taon na deadline lalo pa sa mga bagong dating doon. Ayon din sa isa nating Pinoy OFW sa Canada, hindi rin niya makuha ang mga magulang patungo doon dahil suspendido ang health care program para sa kanila.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...