Joshua, Nash pang-best actor ang akting sa The Good Son

JOSHUA GARCIA AT NASH AGUAS

NGAYONG gabi na ang huling sultada ng The Good Son. Magpapaalam na sa himpapawid ang seryeng piniling subaybayan ng ating mga kababayan nang mahaba-haba ring panahon.

Umikot ang kuwento ng serye sa kung sino ang pumatay kay Albert Martinez, lahat sila ay naging suspek, at sa palabas na ito ipinanganak at natutukan ng publiko ang husay sa pagganap ng mga inaalagaang young actors ng ABS-CBN.

Magaling si Jerome Ponce nu’ng mga huling eksena na nito, sa umpisa kasi ay halatado ang nerbiyos ng young actor sa kanyang mga eksena, ganu’n din si McCoy de Leon na kinainisan ng manonood ang karakter.

Ang talagang lumutang at hinangaan sa serye ay sina Joshua Garcia at Nash Aguas. Sila ang naglaban sa pag-arte, sila ang inaabangan palagi sa serye, dahil epektibo ang kanilang pagganap.

Wala nang kuwestiyon ang talento ni Nash, batambata pa lang ito ay ibang-iba na ang young actor sa kanyang mga kasabayan, pinanatili lang ni Nash Aguas ang marka ng kanyang pag-arte sa The Good Son.

Sa pamamaalam ng serye ngayong gabi ay bitbit ni Joshua Garcia ang paghanga ng publiko, sa apat na kabataang binigyan ng pagkakataong magningning ng produksiyon ay si Joshua ang talagang nagpakitang-gilas sa pag-arte, bawasan lang ni Joshua ang paglaki-laki ng kanyang mga mata sa maraming eksena ay perpekto na ang kanyang talento.

Hindi naging maayos ang pagkakalatag ng pagtatapos ng serye, naapektuhan ng away nina John Estrada at Mylene Dizon ang daloy ng kuwento, pero sa kabuuan ay may iniwanang marka sa mundo ng telebisyon ang The Good Son.

Maligayang bati.

Read more...