Bayanihan

NAGTATANIM na lang ng mga gulay si Erlinda Espenida, OFW mula Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia, hindi lamang upang may makain sa ibayong-dagat kundi upang mayroong maipamahagi rin sa mga kapwa OFW roon.
Ang dahilan? Hindi ibinibigay o hindi kasi sapat ang pasahod mula sa dayuhang employer. Buhay na buhay sa kanila ang espiritu ng bayanihan o pagtutulungan, ayon sa kanilang kakayanan.
Ngayong nakauwi na sa bansa si Erlinda, dumulog siya sa Bantay OCW program ng Radio Inquirer 990AM, upang ihingi ng tulong ang kasamahan nitong sewer na si Delia Nicolas. Inilipat siya ng orihinal na employer sa iba, dahil wala na umano itong pampasuweldo sa kanya.
Sa kamay ng ikalawang employer, hindi naman siya nito pinasasahod ng tama bukod pa sa overworked siya.
Hiling ni Erlinda na matulungang makauwi ng bansa ang kaibigang si Delia.
Matapos makuha ng Bantay OCW ang kumpletong detalye, ipinagbigay-alam namin ang reklamong ito sa Konsulado sa Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia upang makuha naman ang panig ng OFW at kaniyang employer.
Samantala, oobligahin naman ng Philippine Overseas Employment Admnistration ang ahensyang nagpaalis kay Delia, na aksyunan ang reklamo ni Erlinda para sa kaibigang si Delia, upang sa ganoon ay mapauwi na ito kaagad ng bansa.

Natalo ng kanser
Mula 1993, nag-aabroad na si Jessie Salvacion sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia. Supervisor sa Al-Fahad Company si Jessie.
Huli siyang umuwi sa bansa noong 2010. Nais na lamang kasi niyang sa Pilipinas na lamang magpagaling matapos matuklasang nasa stage 4 na ang kanyang lung cancer.
Tinapat na rin siya ng doctor na konting panahon na lamang ang kanyang gugugulin ang maliit ang tsansang mapagtagumpayan ito.
Gaya ng maraming pamilya, lumaban ang pamilya Salvacion.
Lahat ng posibleng paraan para madugtungan ang buhay ni Jessie ay ginawa nila.
Ngunit tuluyan na ngang natalo ng kanser si Jessie noong Oktubre 5, 2010.
Bagaman natanggap na ang trahedya, dumulog sa Bantay OCW program ng Radio Inquirer 990Am, ang biyuda ni Jessie na Meryna Salvacion, upang humingi ng tulong ukol sa insurance ng mister.
Natanggap na ni Ginang Salvacion ang death benefits mula sa OWWA na nagkakahalaga ng P120,000.
Ngunit ngayo’y tumutulay ang Bantay OCW upang direktang makipag-ugnayan sa General Organization for Social Insurance (GOSI), na ang headquarters ay nasa Saudi Arabia, upang maging malinaw kung meron pang inaasahan ang naulilang pamilya mula sa insurance ng ating kabayan.
Editor: May nais ba kayong idulog sa Bantay OCW? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 0917805237 o 09999858606.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 12:30-2:00p.m., audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood naman ang Bantay OCW sa PTV 4 tuwing Biyernes 8-9 pm, at GMA News TV International. Bantay OCW Foundation Operations Center: 631 Shaw Blvd., Mandaluyong City

Read more...