MUKHANG nakakuha ng panabla ang mga progresibong kongresista sa Kamara. Malakas kasi ang bulong-bulungan na hindi sa grupo ni Pangulong Aquino o sa partido ni dating Pangulong Gloria Arroyo sila pupunta.
Ang mga militanteng kongresista ng Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, Kabataan at ACT o ang Makabayan bloc, ay sinusuyo umano ni San Juan Rep. Ronaldo Zamora na nagbabalak na muling makuha ang dati niyang puwesto.
Si Zamora ang minority leader noong 14th Congress.
Makakalaban ni Zamora si Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na taga-Lakas-Christian Muslim Democrats, ang partido ni dating Pangulo at reelected Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
Sa pagsulpot ni Zamora sa eksena, nabuksan ang posibilidad na sumama sa kanya ang Makabayan bloc.
Pero hindi dito natatapos ang sigalot ng House minority leadership. Si Zamora kasi ay kaalyado ni dating Pangulo at ngayon ay Manila mayor Erap Estrada.
Kaya nga isa rin sa mga usap-usapan kung aalis na ang United Nationalist Alliance sa pakikipag-alyansa sa majority bloc o sila ay tuluyan nang hihiwalay sa Aquino administration.
Sa katatapos na eleksyon, magkalaban ang UNA at ang Team PNoy ni Aquino.
Alam naman natin na ang mga militanteng grupo ay nag-rally laban kay Estrada noong 2000 hanggang sa umalis ito sa Malacanang.
Kung susuportahan ng UNA si Zamora, mukhang nakalalamang na talaga ito para maging House minority leader.
Dahil sure na naman na muling uupo bilang Speaker si Quezon City Rep. Sonny Belmonte Jr., ang pinag-uusapan na lamang ay kung sino ang mamumuno sa mga mahahalagang komite.
Hindi na rin pinag-uusapan kung sino ang magiging majority leader dahil swak na dito si Mandaluyong Rep. Neptali ‘Boyet’ Gonzales II.
Kanya-kanya ng lobby sa mga mahahalagang committee positions. Pero syempre ang may last say ay si Speaker.
Kung marami ang nakatingin sa chairmanship ng House committees on appropriations at on accounts, mukhang marami ang nakalilimot sa House committee on justice.
Ito ang komite na nag-impeach kay ex-Ombudsman Merceditas Gutierrez at kay ex-Supreme Court Chief Justice Renato Corona. Si Gutierrez ay nagbitiw sa puwesto bago pa man magsimula ang pagdinig ng impeachment court sa Senado samantalang si Corona ay nahatulan ng guilty.
Bakit kaya walang interesado sa Justice committee? Akala nyo ba wala ng sasampahan ng impeachment?
Para sa komento o reaksyon, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.