Traffic rerouting simula na sa Elliptical Road sa QC bukas


PORMAL nang ipatutupad bukas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang bagong traffic rerouting scheme sa mga kalsada sa Quezon City para maibsan ang mabigat na trapik dala ng pagtatayo ng Metro Rail Transit 7 (MRT-7).
Sisimulan ang one-way traffic sa Maharlika Street (mula Elliptical Road hanggang Masaya Street) at Masaya Street (mula Maginhawa Street hanggang Commonwealth Avenue).
Pinapayuhan ang lahat ng public utility vehicles, kasama ang mga jeepney at UV Express van, na galing mula Elliptical Road papunta sa Commonwealth na dumaan sa Maharlika Street, kakaliwa sa Masaya papunta sa kanilang destinasyon, ayon kay MMDA acting General Manager Jojo Garcia.
Idinagdag ni Garcia na isinagawa ang dalawang araw na dry run noong Sabado at Linggo para ipaalam sa mga driver at mga mananakay.
Naglagay ang MMDA ng mga plastic barrier para ihiwalay ang mga PUVs na papunta sa iba’t ibang direksyon at mga harang para manatili ang mga pasahero sa mga loading at unloading area.
Sinabi ng MMDA na isasailalim din sa pagkukumpini ang isang bahagi ng España Boulevard sa Maynila sa loob ng anim na buwan.
Idinagdag ni Garcia na kabilang sa isasara ganap na alas-10 ng gabi kada Biyernes ay ang bahagi ng España westbound, mula V.G. Cruz Street hanggang A.H. Lacson Street, at bubuksan ganap na alas-5 ng umaga simula Lunes.
Ipapatupad ito mula Abril 13 hanggang Abril 16 at mula Mayo 18 hanggang 21 sa harap ng isasagawa pag-aayos ng Department of Public Works and Highways ng 166 metro ng España.

Read more...