Batang Gilas nakapasok sa 2018 FIBA Under-17 Basketball World Cup

Photo courtesy of FIBA.com

ITINALA ng Batang Gilas Pilipinas ang unang malaking upset sa ginaganap na 2018 FIBA Under-16 Asia Championship matapos nitong biguin ang dating walang talo sa Group D na Japan, 72-70, sa quarterfinals kahapon sa Lingnan Mingzhu Gymnasium sa Foshan City, China.

Kalakip ng panalong ito ay ang silya sa semifinal round ng torneyo at ng isang puwesto sa 2018 FIBA Under-17 Basketball World Cup.

Naiwan ng Batang Gilas ang Japan ng 13 puntos sa laro pero unti-unti itong binura ng mga Hapon.
Tumira ng tres si Chikara Tanaka ng Japan ng tres, may 32 segundo pa ang natitira para itabla ang iskor sa 70-all.

Kumawala si Recaredo Christian Calimag para sa isang layup na nagbigay sa Pilipinas ng kalamangan may anim na segundo na lang ang nalalabi sa laban.

Hindi na nakaiskor pa ang Japan.

Hindi sinayang ni Calimag ang itinala ng kakampi na si 7-foot-1 Kai Sotto na tila ‘monster game’ sa natipong 28 puntos, 21 rebound, 3 assist at 3 blocked shot.Makakasagupa ng Pilipinas sa semis ang China na nanaig din kahapon sa quarterfinals kontra Lebanon.

Ang isa pang semifinals duel ay sa pagitan ng Australia at New Zealand.
Ang apat na semifinalist ay uusad sa FIBA Under-17 Basketball World Cup.

Nagtala si Calimag ng tatlong triple para sa kanyang kabuuang 15 puntos kabilang ang kanyang game-winner.

Ang back-up 6-foot-7 big man na si Raven Cortez ay nagtala naman ng 8 puntos, 5 rebound, 1 steal at 1 block.

Ang panalo ay nagsiguro sa Pilipinas sa ikalawa lamang na pagsabak sa FIBA U17 Basketball World Cup kung saan huli itong nakatuntong noong 2014 edition.

Read more...