Bakit ka nag-judge kung takot ka pala?

“MAMANG pulis! Mamang pulis! May hinohostage po sa may kanto!” sigaw ng bata nang makakita ng pulis pagkatapos ng kalahating oras na paghahanap sa alagad ng batas.
“Nasaan siya ngayon? Ilan ba sila”
“Naroon po siya sa may kanto, at isa lang po siya,”tugon ng bata, sabay turo sa may likuran, sa kanyang pinanggalingan, sa may pinagtitipunan na ng mga tao.
“Halika, puntahan natin.”
Tila atubili ang pulis, di makapagpasya kung bubunutin niya ang kanyang baril. Tila nabibigatan sa hakbang (oo nga’t tirik ang sikat ng araw, baka naiinitan lang, pero hindi naman bagay na payungan ang rumerespondeng pulis), kaya’t hinawakan na ng bata ang kaliwang kamay ng pulis at hinila habang hinahawi ang mga nakatalikod at nakaharang sa daraanan nila. Bawa’t saglit na nalalagas sa orasan ay nadaragdagan ang mga usisero, at di na sila mabilang sa kapal.
“Naku!” nagulat ang pulis sa kanyang nakita. “May baril pala ang hostage-taker. Hayan, magtago ka dahil iniwawasiwas niya ang pistola. Baka pumutok yan at tamaan tayo.”
Sumunod ang bata sa utos ng pulis at nagtago. Pero nang lingunin niya ang pulis ay nakatago na rin pala ito.
Bakit pa siya nag-pulis kung takot siyang tamaan ng bala? Di ba’t sinanay siya sa makabagong mga paraan para harapin ang mga situwasyong ganito?
Palitan natin ang tampok na tauhan ng ating paksa.
Bakit ka nag-judge kung takot ka pala?
Paano kung gayahin ka ng ibang judge kapag pinagbigyan ka sa iyong kahilingan? Na hindi na rin sila hahawak sa mga kaso na umano’y mamamatay-tao ang mga suspek?
At kapag ganito na ang kalakaran, magiging halimbawa ito sa mga mamamatay-tao: na walang hahawak na judge sa kaso dahil takot siyang madamay, at isali na rin ang kanyang pamilya at kanyang staff.
Nakatatakot ngang talaga. Nakatatakot nga ba? Saan at kanino susuling, kung gayon, ang mga natatakot na biktima’t mga naiwan ng mga ito?
Bakit ka pa nag-judge?

Lito Bautista, Executive Editor
BANDERA,

Read more...