3 tasang kape OK nga ba sa heart?


MALIBAN sa hindi ka makakatulog, may iba pang epekto sa katawan ang pag-inom ng mahigit sa tatlong tasa ng kape kada araw.

Sa isinagawang pag-aaral ng mga dalubhasa sa University of Sao Paulo sa Brazil, lumalabas na ang pag-inom ng tatlong tasa ng kape kada araw ay nakakababa ng tyansa na magbara ang arteries o ang daluyan ng dugo sa puso at nakatutulong din ito sa paglaban sa mga sakit sa puso.

O, di ba, mainam?

Ang resulta ng pag-aaral ay nailathala sa Journal of the American Heart Association.

Ginawa ang pag-aaral upang malaman ang kaugnayan ng pag-inom ng kape at coronary artery calcium.
Sumali sa pag-aaral ang 4,400 residente ng Sao Paulo na pinasagutan ng mga questionnaire at sumailalim sa CA reading sa pamamagitan ng tomography.

Batay sa datos na nakuha, 56 porsiyento ang umiinom ng dalawang kape kada araw at 12 porsiyento ang umiinom naman ng tatlo o higit pang tasa ng kape.

Lumalabas din sa pag-aaral na ang mga umiinom ng tatlo o higit pang tasa ng kape kada araw ay kokonti ang calcium deposit sa aortic valves.

Pero sinabi ng isa sa mga mananaliksik—si Andreia Miranda, na maaari pa ring mayroong masamang bunga ang pag-inom ng maraming kape dahil ito ay isang complex mixture ng minerals at iba pang sangkap.

Sinabi ni Miranda na hindi pa nila napag-aaralan kung hanggang ilang tasa ng kape ang maaari upang hindi ito magkaroon ng negatibong epekto sa katawan at makatulong sa pag-iwas sa pagbabara ng mga arteries.

May mga pag-aaral na nagsasabi na mayroong masamang resulta ang pag-inom ng maraming kape.
So, kailangan hinay-hinay rin sap ag-inom ng kape, ha?

Read more...