Sinabi ni PNP spokesperson Chief Supt. John Bulalacao na nakatulong ang pagpapakalat ng maraming bilang ng mga pulis para matiyak ang kaligtasan ng publiko.
“Dahil sa laki ng number ng personnel na na-deploy natin, eh nasiguro natin na lahat ng naging problema ng ating kababayan ay naasikaso ng pulis,” sabi ni Bulalacao sa panayam ng Radyo Inquirer 990 AM.
Idinagdag ni Bulalacao na umabot sa 33,385 pulis ang pinakalat para magbantay sa 5,218 police assistance centers sa Metro Manila.
Sa kabila naman nito, nakapagtala ang PNP ng kabuuang 48 insidente sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Forty-eight incidents, karamihan dito ay drowning incidents,” ayon pa kay Bulalacao.
Ani Bulalacao umabot sa 34 ang insidente ng mga nalunod, pitong aksidente sa kalsada, dalawang kaso ng pagnanakaw at dalawang kaso ng pambubugbog.
“Ganito lang kababa yung mga incidents na narecord natin dahil siguro sa naging, ‘yung naging preparado ‘yung ating mga security forces, ‘yung other government agencies involved, kaya naminimize ‘yung mga ganitong insidente,” ayon pa kay Bulalacao.
“Hindi ko lang masabi kung ilang porsyento but definitely mas mababa ngayon,” sabi pa ni Bulalacao.