SA paglabas nga ng karakter ni Dimples Romana bilang ang babaylan na si Gloria, muli na namang nag-trend ang serye dahil sa kwelang hatid ng pinauso nilang ritwal – ang “Mekeni, Mekeni, tugtog Do Re Mi.”
Maging ang It’s Showtime host na si Vice Ganda ay hindi nagpahuli sa sikat na sikat na ngayong punchine ni Dimples. Sa katunayan, ginamit pa niya ito sa kanilang noontime show.
Hindi pa man umeere ang serye ay naging matunog na ito sa publiko dahil sa hindi pagkakaunawaan ng produksyon at ng ilang miyembro ng Manobo tribe. Agad naman itong naresolbahan at binigyan ng respeto ng show ang saloobin ng kabilang panig.
Patuloy ngang ipinapalabas ang disclaimer sa simula ng programa na kumikilala sa tunay na mga bagani. Nagsisilbi itong patunay sa mabuting hangarin ng programa at layunin nitong magbigay aliw lamang sa pamamagitan ng isang kwento na pawang kathang-isip lamang.
Samantala, sa kabila ng mga intrigang pinupukol sa fantasy series nina Liza Soberano and Enrique Gil na Bagani ay patuloy pa rin itong tinatangkilik ng sambayanan.
Mula nang umere ang serye noong Marso, agad nakuha ng Bagani ang puso ng primetime viewers dahil sa exciting story and superb visual effects nito.
Hindi pa rin ito matinag pagdating sa ratings game. Nito lang nagdaang Martes (March 27) ay muli itong humataw at nakakuha ng national TV rating na 33.4%. Lagi rin itong trending sa social media.
Huwag palalampasin ang mas gumaganda pang mga eksena sa numero unong Bagani pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano sa ABS-CBN Primetime Bida.