FOLLOW-UP ito sa nasulat namin tungkol sa pagkamatay ng karakter ni Mylene Dizon bilang Racquel sa seryeng The Good Son.
Sa pagkakaalam namin, nasa script talaga ang pagpatay kay Racquel at walang kinalaman sa napabalitang away nila ni John Estrada na gumanap na Anthony Buenavidez sa nasabing serye na matagal na ring pinatay sa kuwento.
Ang daming nag-isip na kaya pinatay si Mylene sa TGS ay dahil aalis na rin daw ito ng ABS-CBN tulad ni John na lumipat na nga sa GMA.
Mariing pinabulaanan sa amin ng isang taga-ABS-CBN ang paglipat ni Mylene ng network, “Hindi ‘no? Baka may bagong show siya kaya pinatay na. Siyempre gusto munang magpahinga bago mag-start.”
Wala raw exclusive contract si Mylene sa Kapamilya network, pero base sa pakikipag-usap nila sa aktres ay kuntento at masaya siya sa Dos at ang sabi pa sa amin ng isang source, “Ang alam namin, sa Dreamscape lang siya lagi gagawa ng serye kasi parang okay naman siya ro’n.”
Sa ngayon ay hindi pa rin nakaka-get over ang manonood ng The Good Son sa pagkamatay ni Racquel at nakadagdag pa ang paghihirap ng kalooban ng mga naiwan niyang sina Obet (McCoy de Leon), Matias (Ronnie Lazaro) at Joseph (Joshua Garcia) na tulala pa rin dahil sinisisi ang sarili kaya namatay ang ina.