NAGLULUKSA ngayon ang pamilya ng Concert King na si Martin Nievera. Pumanaw nitong nakaraang Martes ang kanyang amang si Roberto Jose dela Cruz Nievera o mas kilala bilang si Bert Nievera sa music industry.
Ayon sa mga doktor, namatay ang veteran singer “due to organ failure caused by sepsis” habang naka-confine sa Southern Hills Hospital and Medical Center sa Las Vegas. Siya ay 81 taong gulang.
Kinumpirma ni Martin sa kanyang Instagram account ang malungkot na balita. Isang throwback photo ang kanyang ipinost sa IG kung saan makikitang ginugupitan siya ng ama noong bata pa siya.
Nilagyan niya ito ng caption na: “#RobertinParadise I can’t believe you’re gone. Life will never be the same again.”
Nakiramay agad ang dating asawa ni Martin na si Pops Fernandez sa pamilya ni Bert Nievera. Post ng Concert Queen sa kanyang social media account, “To daddy bert nievera.. my second dad… may you rest in peace… so saddened to hear this news… thank you for all the beautiful memories. Condolences to the nievera family.”
Naging madamdamin din ang mensaheng ibinahagi ng anak nilang si Robin Nievera at apo ng pumanaw na beteranong singer. Anito, “To the one that started it all. The one the keeps singing even though he ‘forgot the stupid words.’ Thank you for the memories, Lolo. I love you and I will miss you.”
Kung matatandaan, noong Aug. 6, 2017, sinabi ni Martin na halos isang linggong nawalan ng memory ang ama matapos dumanas ng “brain seizure”.
Si Bert Nievera ay unang nakilala nang mag-champion sa singing competition na “Search For Johnny Mathis of The Philippines” ng sikat na noontime show noon na Student Canteen. Pagkatapos nito, naging vocalist siya ng 1960s pop group na Society of Seven, (The Fabulous Echoes).
Nakagawa rin siya ng ilang album noon, kabilang na ang “Nievera” (1976), “Sumasainyo, Nievera” (1978) at “Remembers” (1985).