Joseph The Artist nagsimula sa basura; yumaman sa buhangin


SINO nga ba ang mag-aakala na ang mga basurang hatid pala ng malakas na bagyo ang magpapabago sa buhay ng isang nangangarap nating kababayan?

Taong 2009, pagkatapos manalanta ng bagyong Ondoy na maraming kabuhayan at buhay ang winasak, ang nagbigay ng pag-asa sa buhay ni Joseph Erwin Valerio na kilalang-kilala na ngayon bilang si Joseph The Artist.

“Marami pong tinangay na basura ang bagyong Ondoy sa likod ng bahay namin, kasama na ang buntun-bunton ng buhangin. Nilinis ko ang likod-bahay namin at naisip ko, ano kaya ang puwede kong gawing kapaki-pakinabang sa buhanging tinangay ng bagyo sa bakuran namin?” simulang kuwento ng henyong sand artist.

Dating dibuhista sa komiks si Joseph, walang kasiguruhan ang kinabukasan ng kanyang pamilya, kung ano lang ang matapos niyang iguhit ay ‘yun lang ang kanilang inaasahan.

Nagbudbod siya ng buhangin sa mesa, sinimulan niyang gumuhit at gumawa ng obra sa pamamagitan ng kanyang mga kamay, nang maging makinis na ang kanyang trabaho ay nagkaideya siyang mag-audition sa Talentadong Pinoy ng TV5.

Hinangaan-pinalakpakan ng manonood ang mga obrang ipinakikita niya linggu-linggo sa Talentadong Pinoy, hanggang sa mapabilang siya sa mga finalists, at tinanghal siyang kampeon ng talent search ng TV5 nu’ng 2011.

Mula nu’n ay nagkaroon na ng bagong hugis ang kanilang kabuhayan, kaliwa’t kanang imbitasyon ang tinatanggap niya mula sa buong bansa para masaksihan ng publiko ang kanyang sand art, ipinanganak ang henyong anak ng sining.

Ang isang kuwento o piyesa ay isinasalin niya sa sining ng buhangin. Ang gaganda ng mga iginuguhit niyang mukha ng babae, ang isang kuwento niya ay bumida pa nga sa isang patalastas, ang itinuturing na basura ng iba ang nagbigay ng magandang kapalaran sa pamilya ni Joseph The Artist.

q q q

Masuwerte kaming muling makasama sa “Cristy Ferminute” nu’ng nakaraang Martes nang hapon ang sikat na sikat nang sand artist. Siya mismo ang nagsabi sa amin na gagawa siya ng obrang pang-Mahal Na Araw para sa aming mga manonood.

Pagkatapos ng panayam namin ni Wendell Alvarez ay ipinuwesto na ni Joseph The Artist ang kanyang mga kagamitan, nagsimula na siyang magdibuho ng obrang napapanahon, ang unang bumungad sa manonood ay ang paghuli sa Panginoon at bumuo siya ng isang imahe ng Diyos na nagpanganga sa aming lahat.

Ang pagpako sa krus sa Panginoon katabi ang dalawang magnanakaw, ang pagtangis ng Kanyang mga tagasuporta, tinapos ni Joseph The Artist ang mga kuwadro sa pamamagitan ng isang bagong umaga na ipinagbunyi na ang ating Panginoon sa muli Niyang pagkabuhay nang Easter Sunday.

Walang kumikibo sa studio, ang lahat ay napahanga ni Joseph The Artist, tunay na pinagpala ang kanyang mga kamay na nakabubuo ng mga imahe at pangyayari sa pamamagitan ng buhangin.

“Napakahalaga po ng buhangin sa buhay ko. Ito po ang nagbigay ng bagong kapalaran sa pamilya ko. Nang makuha ko po ang premyo ko bilang champion sa Talentadong Pinoy, nagkaroon na ako nang sapat na puhunan para magnegosyo.

“Katuwang ko po sa mga shows ang asawa kong si Jane, ang mga anak ko, marunong na ring mag-sand art at si Brix naman na inaanak n’yo, sa light art naman siya magaling,” kuwento ng henyong sand artist.

Ang ginagamit niyang pinung-pinong buhangin para sa kanyang sand art ay inoorder pa niya sa mga madisyertong bahagi ng mundo. Si Joseph The Artist mismo ang nagkuwento na may kani-kanyang katangian ang buhangin.

“May buhangin pong makulit, may sariling buhay, mahirap idisenyo. Ang ginagamit ko po na nanggagaling pa sa Saudi, mabilis sumunod, mabilis kong nagagawa ang mga obra ko,” kuwento uli ni Joseph The Artist.

Basurang nakatambak lang sa kanilang likod-bahay. Basurang pinagyaman niya at ginawang katambal sa paghahanapbuhay.

Tunay ngang may ginto sa basura at pinatunayan ni Joseph The Artist na walang imposible kung tayo’y mangangarap, magsisikap at maniniwala na ang bawat isa sa atin ay biniyayaan ng talento na kailangan lang nating hanapin.

Pinagpalang mga kamay.

Read more...