INIHAIN ni Senador Manny Pacquiao ang Senate Resolution No. 688 sa pagnanais nitong mahalukay ang mga dahilan ng pagkasira at magsagawa ng imbestigasyon patungkol sa estado ng Rizal Memorial Sports Complex at iba pang pasilidad sa sports ng bansa.
“With the concerns regarding the Rizal Memorial Sports Complex, I filed Senate Resolution 688: A Resolution Directing the Senate Committee on Sports to Conduct an Inquiry in Aid of Legislation on the Current State of the Rizal Memorial Sports Complex and Other Sports Facilities for the Purpose of Establishing a Sustainable Sports Facilities Program in the Country,” sabi ni Pacquiao sa binuo nitong Facebook page.
Umaasa si Pacquiao na makukuha nito ang suporta ng mga kapwa mambabatas upang mabigyan ng pansin ang problema sa pangangailangan ng mga pambansang atleta para sa mga de-kalidad na pasilidad at isyu sa kagamitan na nagiging balakid para sa mas matinding preparasyon at paghahanda sa asam na tagumpay at karangalan na maiuuwi sa pagsabak sa mga internasyonal na torneo tulad ng kapwa kada apat na taong Asian Games at Olympics.
“The state of the different sports facilities in the country shows that sports does not rank on the top of our priority list,” sabi ni Pacquiao. “We should not allow this lack of required facilities to continue. As legislators, we should contribute our best efforts in helping our athletes and sports officials achieve bigger dream.”
Asam naman ng ibang mga opisyales sa sports na imbestigahan at alamin mismo ni Pacquiao ang mga kontrata pati na ang mga kompanya na nakakuha ng iba’t-ibang proyekto para sa pagsasaayos ng mga pasilidad tulad na lamang sa Ninoy Aquino Stadium na patuloy na hindi napapakinabangan gayundin ang tennis center.
“Sana naman ay imbestigahan din ni Senador Pacquiao kung sinu-sino ang mga nakakuha ng kontrata at dapat na magsaayos ng iba’t-ibang pasilidad,” sabi ng mga opisyales na tumangging magpakilala.
Una nang ikinagulat ni Pacquiao sa kanyang pagbisita sa itinayo noong 1934 na Rizal Memorial Sports Complex na wala halos naging pagbabago sa pasilidad na kanyang pinagsanayan habang bago pa lamang ito nagsisimula sa kanyang pagiging boksingero.