KUNG gusto ninyong malaman kung bakit walang awang nanakit o pumatay ang mga pulis ng inosenteng mamamayan ng walang awa, tingnan ninyo ang nangyari sa anim na bagong graduates ng Philippine National Police Academy (PNPA).
Ang mga bagong graduates—sina Jhon Macbuyao, PJ Masangcay Divino, Ilam Lamdionisio, Mark Villares, Floyd Tranquena at RJ Quasay—ay pinagpapalo sa ulo at binugbog ng 34 na mga underclassmen.
Ang PNPA ay counterpart ng Philippine Military Academy (PMA) kung saan ang mga graduates nito ay binibigyan ng ranggong inspector (2nd lieutenant sa Army).
“Naging wild ang dunking ceremony,” sinabi ng isang PNPA insider sa akin.
Ang dunking ay isang tradisyon sa PNPA, ay maging sa PMA, kung saan ang mga katatapos lang na kadete ay tinatapon sa swimming pool ng mga lower class cadets.
Ito’y farewell o paalam sa mga nagtapos na kadete ng mga nakabababa sa kanila.
Sabi ng aking source, pinaghiwalay ang anim na graduates sa kanilang mga kaklase dahil sila raw yung mga “terror” ng mga underclass cadets.
Sa madaling sabi, gumanti ang mga underclass sa kanila.
Maraming balita ang nakakarating sa kolumnistang ito na iba ang kultura ng PNPA kesa PMA.
Sa PNPA, maraming nagsasabi tungkol sa “financial hazing” kung saan ang isang upperclassman ay inuutusan ang isang nakabababang kadete na “mag-produce” ng pera. Wala ito sa PMA.
Kaya’t bukod sa bugbog na ang isang underclassman ay kinokotongan pa ito ng kanyang upperclassman.
Sa 34 na kadete na nanggulpi sa anim na graduates, 13 ang nakilala na.
Lahat ng sumali sa bugbugan ay ititiwalag sa academy at yung mga nakilalang 13 ay sasampahan ng kaso.
Ang lahat ng mga 34 na kadete ay naka-bonnet habang ginagawa nila ang karahasan sa anim na nagtapos.
Kaunahan-unahang insidente ito sa PNPA, ani Philippine Public Safety College president Ricardo de Leon.
Pero sa aking mga narinig tungkol sa PNPA, the academy turn out good products.
Karamihan sa graduates ng PNPA ay gaya rin ng ibang mga pulis na pumasok sa pamamagitan ng baccalaureate degree sa iba’t ibang kolehiyo.
Kailangan ng college diploma upang maging pulis.
Dalawa sa kadete ng 2018 batch ay hindi nakapagmartsa on graduation: Ang isa ay nag-resign matapos umanong mabuntis ng kapwa kadete at ang isa ay itiniwalag matapos magreklamo ang isang underclass cadet ng sexual harassment.
***
Si PNPA Cadet Rock dela Rosa, anak ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, ay sinipa sa academy matapos lumagpak sa pitong subjects, sabi ng mga PNPA insiders.
Si Cadet Rock ay isinusuka ng kapwa niya kadete dahil palaging absent sa klase at natutulog diumano sa loob sa campus.
***
Ipinatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Customs official ng Port of Manila dahil sa nawawalang 124 containers na pinaghihinalaang naglalaman ng highly-dutiable na gamit.
Pinagpapaliwanag ng NBI ngayon si Mel Pascual, hepe ng Manila Port Formal Entry division kung bakit niya pinayagang makalabas ang mga 124 containers gayong may “alert” order ang mga ito.
Ang alert o hold order ay nilalagay sa mga kargamiyento na pinaghihinalaang may laman na kontrabando.
Kahina-hinala ang pagpapalabas ng 124 containers dahil diumano ay ginawa ito noong Marso 11 at 12.
Ang mga petsang nabanggit ay Sabado at Linggo. Walang opisina sa mga araw na ito.