Nakiiyak ang sambayanang Pinoy kina Joshua Garcia at Ronnie Lazaro nu’ng Biyernes nang gabi sa episode ng The Good Son. Isang baguhang aktor at isang hininog na ng panahon ang talento ang naglaban sa husay sa pag-arte
sa tagpong nahulog sa gusali si Mylene Dizon.
Kung bakit pinatay si Raquel sa kuwento, tanong ng bayan, ay tanging ang mga sumusulat lang ng script ng serye ang makasasagot. Pero ang ipinakitang galing sa pag-arte ng maglolo ang mas pinag-usapan ng mga sumusubaybay sa
serye.
Hindi sumigaw nang sumigaw si Joshua sa eksenang ‘yun ng kanyang pagsisisi dahil hindi niya nagawang iligtas ang kanyang ina sa kamatayan. Nang-agaw siya ng baril ng isang pulis, itinutok niya sa kanyang sentido, pero hindi
niya pinitik ang gatilyo dahil sa pakiusap-panaghoy ng kanyang lolo.
Nanunuot sa kunsensiya ang acting ni Joshua, maiisip mo na lang na totoo, puwede siyang ihambing sa kapasidad ni John Lloyd Cruz na tumatawid ang mga mata sa pagsasalaysay ng kanyang emosyon.
Dati na kaming tagahanga ni Ronnie Lazaro na hindi namimili ng role na gagampanan. Napakasuwabe nitong umarte, hindi kailanman naging OA, tulad nu’ng eksenang yakap-yakap nito ang bangkay ng kanyang anak habang hinihila palayo ng mga pulis.
Nakakakilabot ang kanyang dayalog, “Anak ko ‘yan, anak ko ‘yan! Raquel, bakit mo kami iniwan?” Aysus, kaya ba tama ang aming desisyon na ipa-tape ang episode ng The Good Son nu’ng Biyernes nang gabi dahil nanood kami ng
concert ng 4th Impact!
Wala kaming napalampas!