Bianca epektib na bida-kontrabida sa Kambal, Karibal


UNSTOPPABLE talaga si Bianca Umali sa halos lahat ng bagay na gawin niya. Mabait na, matalino pa – at higit sa lahat mapagmahal sa pamilya. Kaya naman patuloy siyang bine-bless sa kanyang career at personal na buhay.

Kamakailan nga, lalo pang umangat ang husay niya sa pag-arte sa mga nakaraang episode ng Kapuso primetime series na Kambal, Karibal kasama ang kanyang ka-loveteam na si Miguel Tanfelix na kamakailan lang ay umaming nanliligaw na sa dalaga.

Nagmarka sa mga manonood ang eksena kung saan matagumpay na naipagpalit ni Crisel (Pauline Mendoza) ang katawan nila ng kakambal na si Crisan (Bianca) kung saan napunta ang kaluluwa ng huli kay Cheska (Kyline Alcantara).

Mapakontrabida man daw o pag-iyak sa mabibigat na eksena, ay parehong nabibigyan ng hustisya ni Bianca. Kuhang-kuha rin nito ang mannerisms na ginagawa ni Pauline tuwing gaganap siya bilang Crisel.

Ayon pa sa mga comments ng viewers ay natural na natural ang akting ni Bianca na akala mo’y napakatagal na sa industriya ng showbiz.

Hindi maikakailang si Bianca na ngayon ang pinakabagong “IT” girl na iniidolo ng karamihan. Kaya naman patuloy na namamayagpag sa ratings game ang serye nilang Kambal, Karibal. Sabi nga ng isang loyal fan ng dalaga, Bianca is more than just a pretty face. Taray!

Napapanood pa rin ang Kambal Karibal gabi-gabi pagkatapos ng Sherlock Jr sa GMA Telebabad.

Read more...