PANIAMOGAN binuhat ang JRU kontra MAPUA

PA-KISS NAMAN. Mukhang balak halikan ni Kenneth Ighalo ng Mapua (kaliwa) si Jordan Dela Paz
ng  JRU habang binabantayan ito sa kanilang NCAA Season 89 game kahapon sa The Arena. INQUIRER

Mga Laro sa Huwebes
(The Arena)
4 p.m. Arellano vs
San Sebastian
6 p.m. Perpetual vs EAC
SINANDALAN ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang mainit na kamay ni Philip Paniamogan sa huling yugto para maisantabi ang malamyang laro sa ikatlong yugto tungo sa 83-72 panalo sa Mapua Cardinals sa pagpapatuloy kahapon ng 89th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Apat na tres ang pinakawalan ng 22-anyos na si Paniamogan sa huling 10 minuto ng labanan upang maisantabi ang momentum na kinuha ng Cardinals sa ikatlong yugto matapos umiskor ng 29 puntos para bumangon mula 20 puntos kalamangan at hawakan pa ang 62-60 bentahe.
Lumayo pa sa 64-61 ang tropa ng PBA Legend pero bagong coach ng Cardinals na si Fortunato “Atoy” Co, bago nag-init si Paniamogan na naghatid ng 13 puntos sa 20-4 palitan.
“Ang mahalaga sa larong ito ay naipakita nila ang kanilang composure. Philip also made the big shots, apat na tres ata iyong ginawa niya,” wika ni Heavy Bombers coach Vergel Meneses.
Tumapos ang tubong Cagayan de Oro na nasa ikalawang taon ng paglalaro sa NCAA na si Paniamogan bitbit ang 24 puntos na kinatampukan ng 7-of-16 shooting sa
3-point line.
May 18 pa si John Pontejos habang ang mga sentro na sina Jordan dela Paz at Michael Mabulac ay may tig-10 puntos bukod sa pinagsamang 15 rebounds.
“Lahat ng players ko ay may license to shoot basta ang ayaw ko lamang ay pipilitin nilang tumira para makapuntos,” dagdag ni Meneses.
May 12 puntos si Pontejos at 11 ang ibinigay ni Paniamogan na hindi starter sa first half at ang Heavy Bombers ay nakapagposte ng 41-21 kalamangan bago nakuntento sa 43-33 halftime lead.
Pero nagising ang Cardinals sa sumunod na quarter dala na rin ng mahusay na pagbuslo ni Kenneth Ighalo na may 13 puntos at apat na tres sa yugto.
Tatlong triples ang ginawa ni Ighalo sa puntong angat ng 12 puntos ang JRU para wakasan ang yugto sa 18-4 at kunin ang 62-60 kalamangan.
May 22 puntos at 11 rebounds si Ighalo habang tig-11 ang ibinigay nina Joseph Eriobu at Mark Brana at 10 puntos ang ginawa ni Jessie Saitanan para sa natalong koponan.
Doble-selebrasyon ang nangyari sa Jose Rizal dahil nanalo rin ang Light Bombers sa Red Robins, 69-61, sa juniors division.
Magarang pagbubukas din ang ginawa ng nagdedepensang kampeon na San Beda Red Cubs nang durugin ang Lyceum Junior Pirates, 119-38, sa isa pang laro. — Mike Lee

Read more...