Student nasabit sa pader habang nagka-cutting classes, patay

Nasawi ang isang college student nang mabagok sa pader habang nagka-cutting classes, sa kanilang paaralan sa Sindangan, Zamboanga del Norte, nitong Martes, ayon sa pulisya.
Dinala pa sa ospital si Lofrey Ordialez, 20, estudyante ng Philippine Advent College, matapos madiskubre ang kanyang katawan sa tabi ng pader, ngunit di na umabot nang buhay, ayon sa ulat ng Zamboanga Peninsula regional police.
Lumabas sa imbestigasyon na sadyang umalis ng classroom si Ordialez, residente ng Brgy. Bantayan, para iwasan ang kanyang 8:30-9:30 a.m. class.
Ginawa iyon ng estudyante para umano patayin ang kalan na naiwan niyang nakasindi nang magsaing sa kanilang bahay.
Nagpasya umano si Ordialez na tumalon na lang sa bakod dahil di pinapayagan ng paaralan na lumabas ang mga estudyante hangga’t di natatapos ang kanilang mga klase, ayon sa ulat.
Nang tatalon na palabas ng bakod, sumabit sa bakal ang long pants ni Ordialez, kaya siya nahulog nang pabaligtad, una ang likod, at nabagok.
Matapos masabit ay nahulog din sa lupa si Ordialez, at nadiskubre ng isang grade eight student dakong alas-9.
Inulat ng estudyante at kaibigan nito ang insidente sa school staff, na nagdala kay Ordialez sa ospital.

Read more...