NOONG unang panahon napakahirap patunayan ng isang OFW ang mga pang-aabusong ginagawa sa kanila ng mga dayuhang amo.
Mabilis at madali lamang itong nalulusutan ng kanilang mga amo dahil wala ngang ebidensiya.
Kapag itinulak sa hagdan, ang sasabihin ng amo, nahulog lang ‘yan o di kaya nadulas sa pagmamadali sa pagbaba.
Kapag maraming pasa at kalmot sa katawan, kinakagat lang daw ng lamok at palibahasa’y kinakamot ng kinakamot ng OFW, kaya’t nagka-sugat-sugat ang katawan.
Ngayon, hindi na!
Palibhasa ay may mga gadget na, may mga teleponong may camera at video, mabilis nilang nakukuhanan ang mga pangyayari.
Walang kaalam-alam pa nga ang amo na vini-video na pala siya. At pagkatapos ipalalabas sa social media. Ilang segundo pa lang, kumalat na ang balita. At mabilis itong makararating sa mga kinauukulan upang masaklolohan ang OFW.
Kapag may litrato at video, hindi na tsismis ‘yun na basta lamang pagpapasa-pasahan ng mga kapwa OFW.
Ang totoo pa nga niyan, naaalarma na rin ang mga among ito dahil kung tutuusin, mas techie pa nga ang kanilang mga kasambahay kaysa sa mga matatanda nang mga amo at nananatili lamang sa bahay.
Tulad na lamang nang inireklamo ng isang HK national ang Pinay OFW na may dala-dalang aso sa isang park doon. Galit na galit daw ito dahil napaka-ingay ng aso at tahol iyon ng tahol.
Pinapagalitan pa niya ang OFW dahil bakit dala nito ang alaga niyang bata pati ang aso.
Nangangatuwiran naman ang Pinay. Sa inis niya sa OFW sinabi nitong irereklamo niya ang OFW dahil kinagat umano siya ng aso nito.
Palibhasa ay nasa parke sila at kumuha na ng atensiyon sa mga naroroon, mabilis na nag-video naman ang isa nating kabayan. Ayon sa kanyang kuha, naunang sinunggaban ng aso nito ang aso ng Pinay at nagpang-abot ang dalawang aso.
Nang awatin ng HK national ang kanyang aso at binuhat ito, nakagat siya ng sariling aso niya na ibinibintang niya sa Pinay at diumano’y nagpa-surgery pa siya.
Isip-isipin natin kung wala palang nakapag-video ng insidenteng iyon, e di kaawa-awa naman pala ang Pinay OFW natin na maaaring pagdusahan ang isang bintang na walang katotohanan.
Sa ibang mga bansa, kapag nagtatalo na ang Pinoy at amo, kaagad magre-record na sila dahil anuman ang mangyari, iniisip nilang may laban na sila at ebidensiyang maipepresenta kung dumating man sa hukuman ang kanilang usapin.
Napakalayo na ngang talaga ang inusad ng teknolohiya at napakalaking tulong nito sa buhay ng ating mga OFW kung gagamitin lamang sa tama.
Ang iba naman kasi ginagamit iyon sa kabastusan at pagbi-video ng mga kahalayan kung kaya’t sa bandang huli, iyon ang nagiging dahilan para sila makulong.
vvv
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com