NAPURNADA ang ilang mga proyekto ng isang babaeng appointee ng Pangulo dahil hindi raw ibinigay ang pondo ng kanyang tanggapan.
Paano naman ibibigay ang ekstrang pondo samantalang patuloy ang kanyang paninira sa liderato ng ahensya na mismong pinaglilingkuran niya.
Sa ngayon ay sweldo lamang niya bilang isang opisyal ng ahensya ang kanyang nakukuha at sweldo para sa kanyang mga staff.
Nauna rito ay ilang mga bagay ang hinihingi niya mula sa kanilang tanggapan.
Kabilang dito ang regular na feeding program sa ilang mga lugar kasama na ang ilang mga bayan sa mga malayong lalawigan.
Humihingi rin siya ng hospitalization budget para sa mga pili niyang beneficiaries samantalang isa na nga ito sa mga mandato ng kanilang tanggapan.
Sinabi ng ilan sa kanilang mga kasama sa opisina na malinaw raw na naghahanda na si Madam sa kanyang political ambition sa susunod na eleksyon.
Matagal na kasi niyang pinapangarap na maging senador dahil sa pakiramdam daw niya ay kaya niyang manalo basta’t mapasama siya sa tiket ng administrasyon.
Pero alam din niya na malabo itong mangyari dahil hindi naman siya ganun kasikat at muli na lang lumutang ang kanyang pangalan dahil sa madalas na pagdikit sa mga aktibidad ng administrasyon.
Sinubukan din niyang kumuha ng serbisyo ng isang public relation firm pero hindi rin ito umubra dahil sa hindi magandang reputasyon ng ating bida na unang sumikat dahil sa ilegal na sugal.
Lalo pang sumikip ang kanyang mundo nang gawin niyang target ng pagpapasikat ang paninira sa mismong mga opisyal ng ahensya na kanyang pinaglilingkuran.
Ang bida sa ating kwento ngayong araw na umaasa pa rin na mapasali sa senatorial list ng administrasyon ay si Miss S…as in Sunny.