HINDI na kami nagtaka kung bakit nakakuha ng Grade A sa Cinema Evalution Board ang docu film na “The Journeyman Finds A Home: The Simone Rota Story”.
Ito ang makulay at nakakaintrigang kuwento ng buhay ng footballer player at Azkals member na si Simone Rota na iniwan ng kanyang teenager na nanay sa Buklod Kalinga orphanage sa Parañaque noong 1984.
Napanood na namin ang nasabing documentary film kamakailan at talaga namang nakakaantig ng puso at nakakaiyak ang pagkakalahad ng life story ni Simone, lalo na ang paghahanap niya sa kanyang biological mother.
Ipinakita sa docu na idinirek nina Albert Almendralejo at Maricel Cariaga ang naging buhay ni Simone sa Milan, Italy mula noong ampunin siya ng Italian couple na sina Maurizio at Marilena Rota kasabay ng isa pang baby na si Valentina.
Naging maayos naman ang pagpapalaki sa kanya ng adoptive parents at suportado ng mga ito ang pagkahilig niya sa football. Naging professional footballer ang binata for various professional teams hanggang naging miyembro na nga siya ng Philippine National team, ang Azkals noong 2013.
Naging highlight ng docu movie ang pagkakaroon ng injury ni Simone at kung gaano katindi ang pinagdaanan niyang challenges para makabalik uli sa football field. Sa darating na March 27, muling magpapakitang-gilas si Simone at ang buong tropa ng Azkals sa gaganaping Asian Cup elimination match kontra Tajikistan sa Rizal Memorial stadium sa Manila.
***
Simple lang ang paglalahad nina direk Albert at direk Maricel sa kuwento ni Simone ngunit tumatagos ito sa puso. At alam n’yo bang three years in the making ang “The Journeyman Finds A Home” dahil na rin sa ginawang paghahanap ng buong production sa tunay na nanay ni Simone.
Ang docu film na ito ay nakatakda ring ipalabas sa ilang selected schools sa Mindanao to help raise funds for the Mindanao 1 football talent search of coach Percy Guarin. “The program aims to empower the youth and uplift their lives through the sport of football, which is the main proponent of the documentary,” ani direk Almendralejo.
“We are happy to offer all proceeds of the Simone Rota special film screenings to endeavors that promote sports to women, kids and orphans, particularly to Women Empowerment through Sports, Mindanao1 Futbol and Buklod Kalinga sa Kapwa Foundation,” dagdag pa ng direktor.
Ang “Journeyman Finds Home: The Simone Rota Story” ay suportado ng Philippine Italian Association at Elan Vita Diagnostic Solutions. Nagbigay din ng kani-kanilang personal accounts ang ilang miyembro ng Azkals patungkol kay Simone kabilang na ang magkapatid na Phil at James Younghusband.
Winner din ito ng Audience Prize sa 2018 European Philippine International Film Festival na ginanap sa Florence, Italy at nakakuha ng Special Jury Prize sa katatapos lang na 2018 Sinag Maynila filmfest.