Kai pinakamatangkad sa FIBA Asia under-16

SASANDIGAN ng Batang Gilas Pilipinas ang liksi at outside shooting pati na rin ang husay at tangkad Ateneo Eaglets seven-foot center Kai Zachary Sotto sa pagsabak nito sa FIBA Under-16 Asian Championships na gaganapin sa Foshan, China simula Abril 2 hanggang 8.
Sinabi mismo ni Samahang Basketbol ng Pilipnias (SBP) executive director Renauld “Sonny” Barrios hindi pa kayang makipagsabayan ng mga Pinoy sa mga matatang-kad na front court ng kalaban bagaman si Sotto ang pinakamatangkad na manlalaro sa buong torneyo.
Dito sa Pilipinas ay halos nadodomina ni Sotto ang kompetisyon laban sa mga mas maliliit na sentro ng kalaban. Pero sa China ay inaasahang may mga 6-10 o 6-11 big man ang mga katunggali na hindi pa nakakasagupa ni Sotto na kamakailan lang ay hinirang na MVP ng UAAP juniors Finals.

“Kai (Sotto) is the tallest in the tournament based on papers, but the other teams have very agile and good wing men that really pose as threat to our campaign,” sabi ni Barrios.
Makakasama ni Sotto sa 12-man squad na gigiyahan ni Michael Oliver sina Rafael Go, Raven Cortez, McLaude Guadana, Terrene Fortea, Rence Padrigao, Recaredo Christian Calimag, Shaun Geoffrey Chiu, Jerick Kyle Bautista, Joshua Rafael Lazaro, Yukien Andrada at King Balaga.
Makakatulong naman ni Oliver sina MC Abolucion at John Arenas sa coaching staff.
Makakalaban naman ng Pilipinas ang powerhouse Australia at Malaysia sa Group B. Ilang beses nang tinalo ng koponan ang Malaysia habang unang pagkakataon pa lamang nitong makakasagupa sa torneo ang Australia.
Nasa Group A ang China, New Zealand, Hong Kong habang nasa Group C ang Iran, Chinese Taipei at Macau. Nasa Group D ang Korea, Japan, Lebanon at India.
Sasambulat ang torneo sa Abril 2 sa Foshan, Guangdong Province, China. Ang mga laro ay gaganapin sa Lignan Pearl Gymnasium.
Ang mangungunang koponan sa bawat grupo ay direktang magkukuwalipika sa knock-out stage simula sa quarter-finals. Ang ikalawa at ikatlong puwesto ay sasampa sa play-off round.
—Angelito Oredo

Read more...