ABL Team Standings: Chong Son Kung Fu (14-5); Hong Kong Eastern (12-5); Mono Vampire (13-6); San Miguel Alab Pilipinas (12-6); Singapore Slingers (11-8); Saigon Heat (10-9); CLS Knights Indonesia (5-13); Westports Malaysia Dragons (5-13); Formosa Dreamers (1-18)
PUNTIRYA ng San Miguel-Alab Pilipinas na maibulsa ang isa sa dalawang outright semifinals berth ng 2017-18 ASEAN Basketball League (ABL).
Kasalukuyang nasa ikaapat na puwesto ang Alab Pilipinas na may 12 panalo at anim na talo.
Nakatitiyak na sa unang semis spot ang nangungunang Chong Son Kung Fu na may 14-5 baraha.
Gayunman, ang pangalawa at pangatlong koponan ay abot-kamay ng Alab Pilipinas.
Nasa No. 2 spot ang Hong Kong Eastern (12-5) at No. 3 naman ang Mono Vampire (13-6).
Makakasagupa ng koponang sinusuportahan ng San Miguel Beer ang CLS Knights Indonesia (5-13) ngayong gabi sa Caloocan Sports Complex at sa Linggo sa Sta. Rosa Multi-purpose Complex, Laguna para sa huling dalawang laro ng koponan sa elims.
Wala nang tsansa ang CLS na makausad pa sa playoffs pero papasok sa larong ito ay may two-game winning streak ang upset-seeking Indonesian team.
Gayunpaman, sisiguruhin ng koponang minamanduhan ni coach Jimmy Alapag na makakuha ng kambal na panalo kontra CLS lalo pa’t lalaruin ito sa harap ng mga Pinoy basketball fans.
Bukod sa misyong makakuha ng dalawa pang panalo ay kailangan ding magtamo ng kabiguan ang Hong Kong Eastern at Mono Vampire para mahabol ito ng Alab Pilipinas sa team standings.
Pero kahit na hindi maabot ng Alab Pilipinas ang top two seedings ay hindi pa naman tapos ang kampanya ng koponan dahil pasok na ito sa quarterfinals kung saan makakasagupa ng No. 3 team ang No. 6 at ng No. 4 team ang No. 5.
Sasandalan ni Alapag ngayong gabi sina Bobby Ray Parks, Pamboy Raymundo, Pao Javellona at mga import na sina Renaldo Balkman at Justin Brownlee.
Ang huling dalawang laro ng Alab Pilipinas at CLS ngayon at sa Linggo ay mapapanood ng ‘live’ sa ABS-CBN S+A at S+A HD umpisa alas-8 ng gabi.