IKAW ba ay kabilang sa napakaraming bilang ng mga tao na may napakasensitibong balat? Isa ka ba sa kanila na problemado dahil sa sakit na psoriasis?
Ang psoriasis ay sakit sa balat na base sa mabilis na pagtubo at pagkakaroon ng bagong “skin cells” o balat. Dahil dito ay kumakapal ang balat na parang kaliskis, natutuyo na maaring magsugat at dumugo, makati at mayroong senyales ng pamamaga at pamumula at nakaumbok.
Kapag may sugat, mahapdi ito at masakit na parang nasusunog ang balat. May pagkakataon na ang mga kuko ay apektado rin. Maaaring magkaroon din ng pamamaga ang mga kaso-kasuan. Minsan ay malala ngunit may pagkakataon din na umiige ang mga sintomas.
Maaaring maapektuhan ang kahit anong parte o ang kabuoan ng katawan. Ang anit (scalp) ay madalas na kumakati, namumula at dahil sa kakakamot, ito ay dumudugo.
Ang balat ng mga bisig, braso at binti pati na kilikili ay inaabot din. Madalas na nagkakaroon ng impeksyon kapag matagal na ang “psoriasis”.
Pero, hindi ito nakakahawa, bagamat ang iba kung minsan ay nandidiri sa mga taong may malalang kondisyon ng psoriasis.
Sa dermatologist unang pumupunta ang may sakit sa balat kapag ang nakikitang mga “skin lesions” ay lumalala, mahigit isang lingo na, nakakasagabal na sa paggalaw lalo na kung pati mga “joints” ay apektado.
Sinasabi ng karamihan na walang katapusan ang psoriasis. Marahil dahil sa hanggang ngayon ay hindi pa rin lubusang matukoy ang sanhi nito. May sinasabing dahil ito sa sensitibong immune system o ang “T cells” ay overacting.
Kapag nag-umpisa na ang psoriasis, maaaring mas ma-trigger ito dahil sa strep throat infections, skin infections, skin injury, cold weather, smoking and alcohol intake. Ang katabaan o obesity ay malaking risk factor din.
May mga gamot din na nakaka-trigger ng psoriasis gaya ng beta bockers para sa alta presyon, lithium para sa “bipolar disorder”, gamot sa malaria at goiter.
Alam n’yo ba na ang stress ay siya ring pinakamalakas na nagdadala sa tao ng skin reaction gaya ng psoriasis?
Kaya nga kung matutugunan ng tao ang tamang stress management, hindi imposibleng mawala rin ang kanyang psoriasis.
Kumplikado ang sitwasyon ng taong may psoriasis, at maaaring dumapo ang iba’t ibang sakit gaya ng diabetes, alta presyon, arthritis, metabolic syndrome, problema sa mata, sa puso, sa bato at kahit sa utak gaya ng Parkinson’s Disease.
Ang self-esteem ay mababa, maaring ma-depressed, at hindi makapag-trabaho dahil sa nahihiya at dahil sa mga masasakit na parte ng katawan.
May mga gamot na ang psoriasis nguni’t pansamantala lamang. Magpatingin sa dermatologist kaagad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.