San Miguel Beermen umusad sa ika-4 sunod na Philippine Cup Finals


HINDI na napigilan ang tatlong sunod na nagtatanggol na kampeong San Miguel Beer na tumuntong sa ikaapat na diretsong Finals matapos biguin ang Barangay Ginebra, 100-94, sa Game Five ng kanilang 2018 PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series Sabado ng gabi sa Cuneta Astrodome.

Tinabunan ng Beermen ang unang pagkakaiwan sa 12 puntos sa ikalawang yugto bago huling pinigilan ang lahat ng pagnanais ng Gin Kings na mapahaba pa ang serye sa ikaapat na yugto upang okupahan nito ang unang silya sa labanan para sa korona.

Sinandigan ng Beermen si June Mar Fajardo na nagtala ng 25 puntos at walong rebound gayundin si Alex Cabagnot na inihulog ang apat na sunod na puntos sa huling dalawang minuto upang itulak ang koponan sa muling pagsabak at pagtala ng bagong kasaysayan sa pinakaprestihiyosong korona sa liga.

“Nagpapasalamat kami kay God walang na-injury sa game na ito. Pagod na rin kami at mahirap na humaba pa ang serye. Grabe ang preparasyon namin at lahat ng teammates ko nag-contribute,” sabi ni Fajardo. “Hindi pa tapos ang misyon namin. Pahinga siguro muna kami tapos one game at a time na kami.”

Nabalewala ang itinala ni Scottie Thomson na triple-double na 10 puntos, 16 rebound at 16 assist matapos na hindi makaiskor ang Gin Kings sa natitirang mahigit na tatlong minuto ng laro upang tuluyang mapatalsik ang koponan sa pagtiklop ng kanilang serye sa 4-1.

Huling itinabla ni Jervy Cruz ang laban para sa Gin Kings sa hindi nito nakumpleto na 3-point play sa 94-all, may 3:48 pa sa laro na naging pinakahuling puntos ng koponan.

Ibinigay ni Cabagnot ang 98-94 abante sa Beermen sa sumunod na sitwasyon bago na-foul si Lassiter sa natitirang 15.2 segundo para sa dalawang free throw na nagselyo sa kanilang panalo sa serye.

“Nakita natin na nag-all out sila (Ginebra) dahil their backs are against the wall,” sabi ni SMB coach Leo Austria. “Hindi namin nakitaan ng white flag. They came out really strong. But our players refused to lose dahil alam nila importance ng game na ‘to,” sabi pa nito.

Hihintayin na lamang naman ng Beermen ang magwawagi sa pagitan ng Magnolia at NLEX sa table sa tigalawang panalo sa kampeonato.

Read more...