NAGULANTANG ang aming manugang isang gabi habang naglalaro ang apo naming si Simon kasama ang kanyang mga pinsan. Naloka si Geli dahil pangmatanda ang paksa ng magkakalaro.
Huli na nang malaman nito na ang pinag-uusapan pala ng mga bata ay ang mga eksenang napapanood nila sa Ang Probinsyano. Kani-kanyang opinyon ang mga bata.
Sabi ni Simon, “Ayan, puro kasi misyon si Cardo, humanap na tuloy ng ibang lalaki si Alyanna!” ikinahalakhak ‘yun ng aming manugang.
Sabi naman ng isa pang apo namin sa pinsan, “Kasi naman si Alyanna, pumatol du’n sa boss niya! Baka lokohin lang siya nu’n! Sana, hintayin na lang niyang umuwi si Cardo! Kawawa naman siya!”
Ang mga batang nag-uusap ay mula tatlong taon at pinakamatanda na ang pito, pero pinagtutuunan nila ng tutok ang seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin, maaga raw silang kumakain para mapanood lang ang Ang Probinsyano.
Pero ikinahalakhak ng aming manugang ang komento ng pinakabata sa magkakalaro, ang tanong nito, “Bakit ganu’n? Palaging nabubuhay si Dalisay kahit maraming-marami na siyang kalaban?
Laban kayo du’n? Ganu’n katindi ang kaway ng serye ni Coco Martin kahit sa mga batang bahagya pa lang na umaangat sa lupa.