Navara naghari sa Stage 10 ng Ronda Pilipinas 2018

 

IBINULSA ng isa pang miyembro ng Philippine Navy-Standard Insurance sa katauhan ni Junrey Navara ang 147.8-kilometer Tagaytay-Calaca Stage 10 kahapon kung saan itinala rin ni overall leader Ronald Oranza ang kanyang ikapitong podium finish upang mangailangan na lamang tapusin ang huling dalawang yugto para iuwi ang pinakaunang titulo bilang kampeon sa Ronda Pilipinas 2018.

Itinala ng 26-anyos mula General Santos City na may bigat lamang na 47 kilos na si Navara ang kabuuang oras na 3:21:47, o isang segundo lamang na mabilis kontra Boots Ryan Cayubit ng Go for Gold sa 3:21:48 tiyempo.

Ikatlo ang 25-anyos na si Oranza na naungusan ang 13 iba pang riders para makuha ang ikatlong puwesto sa 3:26.02 oras sa yugtong nagsimula sa Tagaytay Convention Center at natapos sa Calaca Municipal Hall.

Ginamit ni Navara ang mababang timbang upang ipakita ang lakas para mas madaling maakyat ang mga daanan sa bulubundukin ng Ticub at Payapa upang itala ang kanyang pinakaunang pagwawagi sa nakalipas na panahon.

Ang panalo ay nagbigay din kay Navara ng liderato sa King of the Mountain race sa 35 puntos kontra two-time defending champion Jan Paul Morales na may 21 upang lumapit sa kanyang ikaapat na KOM title.

Umangat din ito mula sa No. 6 paakyat sa No. 5 overall (30:36:32 ) habang inihulog si Cris Joven ng Army-Bicycology sa No. 6 (30:38:24.). Si George Oconer ng Go for Gold ang No. 3 (30:35:18) at si Jhon Mark Camingao ng Navy ay nasa No. 4 (30:36:11) habang sina El Joshua Carino ng Navy (30:42:23), Jay Lampawog ng Go for Gold Developmental team (30:45:06) at Rudy Roque ng Navy (30:46:55) ang iba pang bumuo ng Top 10.

Si Navara ay kasama nina Oranza, Cayubit at Joven nang gumawa ng kanilang atake sa unang 20 kilometro bago lamang nakawala sa tatlong kasama sa akyatin sa Payapa kung saan nalampasan nito si Cayubit sa intermediate sprint.

Naging pambawi rin ito ni Navara sa nakakapanghinayang na karera noong isang araw kung saan kinapos ito sa huling bahagi ng yugto.

“Talagang siniguro ko na mananalo ako ngayon dahil nagkamali ako kahapon. Kinumpleto ko na ang taktika kung saan ako aatake,” sabi ni Navara.

Ang ikapitong podium finish ay nagpakita sa dominasyon ni Oranza sa 12-stage race na may nakatayang P1 milyon para sa kampeon matapos na maunang manalo sa yugto sa Vigan, Pagudpud at Tarlac.

Ikalawa sa kapwa Navyman na si Morales ng ilang segundo matapos ang opening stage sa Vigan ay ipinamalas ni Oranza ang tatag sa Vigan-Pagudpud Stage Two upang maagaw ang overall lead at ang simbolikong LBC jersey at hindi na nilingon pa ang mga kalaban.

Kahit may dalawang yugto pa na natitira ay nasiguro na rin ng mula Villasis, Pangasinan rider na naitala ang kabuuang oras na 30:15:03 ang titulo habang ang pinakamalapit nitong kalaban na si Morales ay may 30:35:18 na tuluyan na rin na ibinigay ang hawak na titulo simula pa noong Stage Eight.

Ayaw pa naman ni Oranza na magselebra.

“Siguro pagkatapos ng Stage 11, puwede na pag-usapan,” sabi ni Oranza.

Pinatutungkulan ni Oranza ang isasagawa ngayong Sabado na 92.72km Calaca-Calaca Stage 11 na mas pinaliit na ruta ng mapanganib na Stage 10.

Ang karera, na hatid ng LBC at suportado ng MVP Sports Foundation, Filinvest, Philippine Rabbit, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Sports, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling, ay matatapos sa Stage 12 criterium sa Filinvest, Alabang sa Linggo.

Read more...