Pamilya ni Pidol tuloy ang pagluluksa; paalam Rolly Quizon


HUWEBES nang tanghali ay magka-text pa kami ni Direk Eric Quizon, kinumusta namin sa aktor-direktor ang kanyang inang si Tita Baby Smith, bumalik na kasi uli ito sa Amerika at uuwi na lang uli sa darating na Pasko.

Mahaba ang pagpapalitan namin ng mensahe ni Direk Eric, hanggang sa si-nabi niya, “Mahina na si Kuya Rolly, sabi ng mga relatives namin.”

Marami ngang nagkakamali ng dinig sa pangalan ng anak ng yumaong Comedy King na na-stroke kaya nakaratay sa ospital, ang akala ng iba ay si Ronnie Quizon ‘yun, ang panganay na kapatid ni Direk Eric.

Bandang hapon, kasisimula pa lang namin sa “Cristy Ferminute”, ay nag-text uli sa amin si Direk Eric, ang kanyang mensahe, “Wala na si Kuya Rolly.”

Magkasunod na pumanaw ang dalawang anak ni Tito Dolphy, ang una ay si Dino, sa Burbank, California ito namatay. Pangalawa ay si Rolly nga at ang sinasabing dahilan ng kanyang pamamaalam ay aneurysm.

Maaaring hindi na kilala ng mga milenyal si Rolly, pero hindi ito makakalimutan ng ating mga kababayang regular na tumututok nu’n sa sikat na sitcom na John En Marsha.

Katambal nito ang aktres na si Madel de Leon, kapatid ni Shirley na ginagampanan ng Diamond Star na si Maricel Soriano, nanalo ring best actor si Rolly nang makatambal nito ang Star For All Seasons sa pelikulang “Burlesk Queen.”

Ang taos-puso po naming pakikidalamhati sa lahat ng mga iniwan ni Rolly Quizon, isang pakikiramay sa buong pamilya Quizon, ipanalangin po natin ang kanyang kaluluwa.

Read more...