Operator panagutin sa palpak na bus

NITONG nakaraang linggo ay ilang balita na naman ang lumabas kung saan may mga namatay at malubhang nasugatan dahil sa isang pampasaherong bus na umararo sa bus stop at iba pang mga sasakyan sa daan.

At tulad nang inaasahan, ang dahilan na naman ng magaling na drayber ng bus ay lumusot o nawalan ng preno ang kanyang sasakyan kaya’t hindi niya na napigilang sagasaan ang mga tao at sasakyan sa kanyang daan.

Sa karanasan natin sa pagtugaygay sa mga ganitong aksidente, dalawa lamang ang totoong dahilan kaya nangyayari ang ganitong klase ng aksidente: Una ay talagang nawalan ng preno ang bus, at ikalawa ay sobrang tulin nang takbo ng bus kaya hindi ito makahinto agad.

Mas madalas sa hindi, ang dahilan ng aksidente ay ang pagiging kaskasero ng drayber ng bus dahil may hinahabol siyang boundary at kailangang makuha niya ang pinakamaraming pasahero sa lansangan.

Dahil dito ay pilit niyang inuunahan ang iba pang bus sa kanyang ruta na siyang nagiging dahilan ng gitgitan at karerahan sa lansangan ng mga pagkalalaking sasakyang ito.

At kapag nagkamali ng galaw ang drayber, tiyak aararuhin niya ang lahat ng nasa daan niya dahil sa tulin nang kanyang pagpapatakbo.

Dapat sa mga ganitong drayber ay tanggalan ng lisensiya at prebilehiyong magmaneho at hayaan na lamang magpasada ng bisikleta para ang tulin ng takbo niya ay base sa lakas nang mga binti niya.

Yung isang dahilan naman, na lumusot o nasira ang preno, ay dapat ibagsak sa mesa ng bus operators dahil ito ay isang kapabayaan sa pag-aalaga ng sasakyan. Hindi na tama ang maintenance ng bus nila kaya’t nawawalan na ito ng preno at siyempre ang dapat managot ay ang may-ari o operator ng bus.

Pero dahil sablay nga ang sistema ng batas sa bansa natin, ang laging nababagsakan ng sisi at problema sa ganitong sitwasyon ay ang pobreng drayber na walang kinalaman sa maintenance ng bus dahil hindi naman kanya ito.

Hindi rin natin mabago ang batas ukol dito dahil yung mga may-ari ng bus lines ay, kung hindi dating heneral ay mambabatas o kamaganak ng mga mambabatas.

May diperensiya talaga ang public transport sa bansa natin dahil dito.

Kailangan lang siguro ay ang Land Transportation Franchising Regulatory Board o LTFRB na ang magtakda ng kaukulang parusa sa mga bus operators tuwing sablay na preno ang dahilan ng driver sa aksidente para matigil na ang palusot na ito.

Dahil dapat yata, kung maintenance issue ang sanhi ng aksidente, dapat ang may-ari ng sasakyan ang managot dito.

Para sa komento at suhestiyon sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...