NILINAW ng isang executive ng ABS-CBN na hindi totoo ang nasulat na hanggang Abril na lang ngayong taon ang Home Sweetie Home nina Toni Gonzaga at John Lloyd Cruz (na kasalukuyan pa ring nakabakasyon ngayon).
Kahit kami ay nagulat sa balitang ito dahil kamakailan lang ay sinulat namin na hindi nakaapekto sa rating ng programa ang pagkawala ni Lloydie sa HSH. Sa katunayan, tumaas pa ang rating nito nu’ng ipinasok si Piolo Pascual sa sitcom.
Nabanggit din namin na mahal ni Papa P ang show kaya maski na may teleserye siyang ginagawa na malapit nang umere (pagkatapos ng The Good Son) ay nagdesisyon siyang hindi iiwanan ang Home Sweetie Home.
Hindi naman kasi inaabot ng madaling araw ang taping ng sitcom kaya puwede niya itong isingit sa kanyang schedule bukod pa sa light lang ito na parang naglalaro lang sila sa set.
Samantala, isa pang kinlaro ng nakausap naming TV executive na hindi totoong binili na ni John Lloyd ang diumano’y multi-million contract niya sa ABS-CBN dahil tuluyan na raw niyang iiwanan ang mundo ng showbiz.
Sabi ng aming source, “Saan galing ‘yun (balitang binili)? Hindi nga nakikipag-communicate si John Lloyd sa Star Magic paanong nangyaring binili ang contract?”
Going back to Home Sweetie Home, apat na taon na itong umeere na nagsimula pa noong 2014 at mas pinakwela pa ang samahan sa patuloy na pamamayagpag nito sa ratings game.
Mas lumalaki na ang barkadahan ngayon sa Brgy. Puruntong dahil bukod kina Julie (Toni), JP (Piolo), Lia (Rufa Mae Quinto), Nanay Loi (Sandy Andolong), Gigi (Miles Ocampo), Rence (Clarence Delgado), Obet (Jobert Austria), Pinong (Nonong Ballinan) at Mang LA (Mitoy Yonting).
Sa mga susunod na episode, mapapanood na ang kambal na sina Ireneo at Irenea na parehong gagampanan ng singer-comedian na si Ogie Alcasid.
Bigong babalik ng Pilipinas si JP mula New Zealand matapos malamang may ibang lalaki na si Sunshine doon. Para maibsan ang lungkot ng kaibigan at para may iba itong mapagtuunan ng pansin, naisip ni Julie na magtayo sila ng negosyo kasama si Lia – ang pastry shop at restaurant na tatawaging Walang Kapares.
Hindi lang ito makakatulong sa pag-move-on ni JP, makakatulong din ito kay Lia para maitaguyod ang anak at kay Julie naman, para hindi na kailangan magtrabaho abroad ni Romeo (John Lloyd).
Ngunit, hindi magiging madali ang lahat dahil tila hindi sapat ang kapital nila para pormal na mabuksan ang kanilang café restaurant. Buti na lang may kakilala si Lia na maaring maging investor – si Ireneo o Neo, na kababata pala ni Julie.
Matagal nang gusto ni Neo si Julie kaya naman sasamantalahin nito ang pagkakataon na mapalapit sa kanya. Hindi nagtatapos diyan ang nakaambang sakit ng ulo ng magkakaibigan dahil si Ireneo pala ay may kakambal, si Irenea na magiging patay na patay naman kay JP.
Magtagumpay kaya sila sa business nila? Ano ang magiging papel nina Ireneo at Irenea sa Brgy. Puruntong?
Napapanood pa rin ang Home Sweetie Home, tuwing Sabado pagkatapos ng TV Patrol Weekend.