Sayang at wala si Cesar Montano sa Bellissimo Restaurant nang kumain kami noong Linggo ng hapon para sana kumustahin sila ni Sunshine Cruz. Nabanggit kasi ng aktor na gusto pa rin niyang buuin ang pamilya niya at hindi niya papayagang mawala ng tuluyan sa kanya ang kabiyak.
Naalala tuloy namin ang eksenang ikakasal si Sunshine kay Christian Vasquez sa afternoon dramang Dugong Buhay na guguluhin naman ng hindi nila nakilalang anak na nawala na si Ejay Falcon.
Pinapanood kaya ni Cesar ang Dugong Buhay para kahit paano’y maibsan ang pangungulila niya kay Sunshine? Matagal-tagal na rin kasing hiwalay ang mag-asawa, pero sabi nga ni Buboy gagawin niya ang lahat para balikan siya ni Sunshine.
Anyway, matutuloy kaya ang paghihiganti ni Ejay sa tunay niyang mga magulang? O, babaliin niya ang utos sa kanya ng kinikilalang amang si Noni Buencamino? Maililigtas naman kaya ni Arjo ang magulang at siya naman ang haharap sa hindi nakikilang kuya?
Hanggang Agosto pa ang Dugong Buhay kaya mahaba pa ang tatakbuhin ng kuwento nito at abangan din kung ano ang magiging next project ng dalawang bidang sina Ejay at Arjo. Ang balita kasi namin ay nagalingan ang management sa kanila kaya tiyak na hindi sila mababakante.