Babae nag-video ng mga pulis, kinasuhan ng drugs

HINDI na bibigyan ng mga kasamahang mahistrado ng Korte Suprema ang Mababang Kapulungan at Senado ng pagkakataon na patalsikin sa kanyang puwesto si Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ang kanyang mga kasamahan na mismo ang magpapatalsik sa kanya sa pamamagitan ng quo warranto.

The dictionary defines quo warranto as an English writ formerly requiring a person to show by what authority he or she exercises a public office, franchise or liberty.

Ibig sabihin nito, ano ba ang “K” o karapatan ni Sereno na maging Chief Justice?

Walo sa 14 justices ng Supreme Court ang gustong patalsikin si Sereno bilang Punong Mahistrado.

Sabi ng aking mga sources sa Supreme Court, majority decision is enough to kick out Sereno through the quo warranto process.

Nadagdagan pa ang planong pagpapatalsik kay Sereno ng kanyang mga kasamahan sa Supreme Court nang pumirma ang 1,200-miyembrong Philippine Judges Association (PJA) ng manifesto na siya’y di karapat-dapat sa kanyang puwesto.

At sumali na rin ang mga lider ng SCALE (Supreme Court Assembly of Lawyers-Employees), PACE (Philippine Association of Court Employees), isang umbrella organization ng 25,000 empleyado ng mga korte sa buong bansa, at SCEA (Sandiganbayan Employees Association).

***

Si Sereno na yata ang Chief Justice na pinakamumuhian ng kanyang mga kasamahan sa hudikatura at mga empleyado ng mga korte sa buong bansa.

Siya ang pinakabatang nahirang na Chief Justice at hindi ito nagustuhan ng kanyang mga kasamahan na lubhang mas matanda at may karanasan sa kanya.

Ang kanyang appointment ay ginawa ni Pangulong Noynoy Kuyakoy sa pamamagitan ng paggamit ng kapangyarihan at yaman ng Malakanyang upang ipa-impeach at masipa sa puwesto si Chief Justice
Renato Corona.

Alam ng karamihan na ang motibo ni Noynoy ay benggansa o paghihiganti: Si Corona kasi ang pumirma ng desisyon na hati-hatiin ang Hacienda Luisita, na pag-aari ng kanyang pamilya, at ipamahagi ito sa mga kasama ng lupa.

Ang kaso ni Sereno ay pareho lang kay Corona na napatunayang siya’y nagkasala ng Senado: Di niya idineklara ang kanyang kinitang US$745,000 sa gobyerno na bayad sa kanya bilang legal fees sa PIATCO case, pero hindi niya ito nireport sa kanyang SALN at sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

At may iba pa: Ang kanyang diumano’y extravagant at lavish lifestyle nang bumili siya gamit ang pondo ng gobyerno ng Toyota Land Cruiser na nagkakahalaga noon ng P5 milyon at ito’y kanya pang ipina-bullet proof.

Ang kanyang pag-check in sa mga mamahaling hotels na gamit ang pondo ng gobyerno ay kuwestyunable rin, pati ang kanyang pagbiyahe diumano on first class acccommodations sa ibang bansa kasama ang kanyang mga alalay.

***

Hindi sinusunod ng mga pulis ang tamang procedure sa pag-aresto sa mga drug suspects—gaya ng iprisinta ang mga ito sa barangay officials, sa mga media at representative ng Department of Justice—bago nila dalhin ang mga ito sa presinto.

Ito’y nakasaad sa batas.

Hindi ginawa ng pulisya ng Angono, Rizal ang tamang pamaraan sa pag-aresto ng mga drug suspects.

Ang mga naaresto ay dinala na agad sa presinto at tinawag na lang ang barangay kagawad ng lugar at iprinisinta sa kanya ang mga “nahuling ebidensiya.”

Ang masakit pa nito, isang 44-anyos na babae na si Nelissa Rullan ay kinasuhan din na wala namang kinalaman sa kaso.

Si Nelissa ay pumunta ng presinto upang alalayan ang kanyang kapatid na isa sa mga naaresto.

Nahuli si Nelissa ng mga pulis na nagbi-video habang iniimbestigahan ang mga suspects.

Pinosasan si Nelissa, kinaladkad paloob ng selda at kinasuhan ng drug pushing.

Hanggang ngayon ay nakakulong pa rin ang
pobreng babae.

Tinutulungan ng “Isumbong mo kay Tulfo” na mapalabas ni Nelissa sa kulungan at maalis ang kasong gawa-gawa lang ng mga pulis sa kanya.

Ang pagsampa ng kasong gawa-gawa lamang ng mga pulis sa isang inosenteng mamamayan ay pinarurusahan sa ilalim ng Comprehensive Drugs Law ng habambuhay na pagkabilanggo.

Nag-usisa kami tungkol sa background ni Nelissa. Sinabi ng mga barangay officials sa kanyang lugar na siya’y taong-bahay at binabantayan lang niya ang kanyang magulang.

Malinis ang kanyang record tungkol sa droga sa kanyang barangay.

Ang kanyang kapatid na lalaki na kanyang sinamahan sa presinto ang pasaway.

Read more...