Mga ‘lihim’ ni Maricar Reyes ibabandera sa bagong libro

IDEAL couple ang tingin ng marami kina Richard Poon at Maricar Reyes. Apat na taon nang nagsasama ang dalawa pero parang bagong kasal pa rin ang turingan nila.

Kahapon nasulat namin ang mga plano ng mag-asawa sa pagkakaroon ng anak at pati na rin ang pag-aalaga sa kanilang lumalagong choco-liquor cake business.

Ibinahagi rin sa atin ni Richard Poon sa nakaraang presscon ng Cornerstone Concerts ang bonding moments nila ni Maricar, kabilang na riyan ang pag-aalaga nila sa kanilang katawan. Kitang-kita naman ang epekto sa kanila ng healthy lifestyle. Ang seksi-seksi pa rin ni Maricar at bagets na bagets pa rin ang itsura ni Richard.

Para ma-maintain ng mag-asawang Poon ang kanilang malusog na pangangatawan ay may tig-isa silang threadmill sa kanilang bahay. Madalas daw silang nagwo-workout habang nanonood ng Netflix/iflix.

“Ang ganda nga ng katawan ngayon ni Maricar kasi hindi siya tumataba kahit mahilig siya sa chocolates,” sabi ng singer.

At bukod sa pag-arte at paggawa ng chocolate cakes ay ano pa ang pinagkakaabalahan ngayon ng kanyang misis?

“Well, ngayon may bago siyang endorsement, (skin treatment TV ad), tapos nagsusulat siya ngayon ng book niya, baka sa October ilabas ‘yung second book na solo lang niya, kung anong nangyari sa buhay niya o anong mga pinagdaanan niya,” kuwento pa ng hubby ni Maricar.

Alam naman ng lahat kung ano ang mga pinagdaanan ni Maricar sa buhay niya kaya ang balik-tanong namin kay Richard ay kailangan pa bang ilabas pa ‘yun sa isang libro. Tahimik na kasi ang isyu at baka maungkat na naman ang kanyang nakaraan?

“Well, more of redemption, hindi naman pag-uusapan o idedetalye ‘yung nangyari kundi ‘paano ako nakabangon’, parang ganu’n. Iyon ang ilalabas niya,” paliwanag ni RP (tawag kay Richard).

Dagdag pa ng crooner, “I don’t think dapat mag-dwell sa past kundi more of life story lang niya. Paano siya nag-um-pisa bilang modelo tapos may dinaanan na hirap. Redemption, kung paano siya umabot nga-yon despite may konting obstacles at paano siya nakaahon sa struggles, sa trials.”

As of now ang libro nilang “10 Things We Fight About” ay malakas pa rin daw sa National Bookstore.

“Habang tumatagal, mas lumalakas ‘yung online sales namin kasi di ba, may website kaming Relationship Matters, mas nago-order doon ang mga tao kasi shipping na at signed na ‘yung book. Kung ano ‘yung presyong P225 sa NBS, ganu’n din ang presyo sa online, wala kaming extra kita,” sabi ni Richard.

Sa madaling salita, kumita na ang unang libro ng mag-asawang Richard at Maricar, “Hindi ko alam, kasi ABS-CBN Publishing siya,” kaswal na sabi.

Pero may royalty naman silang makukuha dahil sila naman ang may-akda ng libro, “Honestly the royalty in our contract since first time namin is not that substantial, parang hindi pa kami nakakakuha,” pag-amin ni Mr. Crooner.

Kaya sa ikalawang libro raw ni Maricar ay, “Baka self-publish na.”

Tungkol naman sa 10th year anniversary concert ni Richard na gaganapin sa Newport Theater, Resorts World Manila sa Mayo 18, ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ito ni Mr. Poon.

“I’ll be having the 21-piece big orchestra. I think co-produce ng Cornerstone Concerts, Resorts World saka ilan sa mga faithful producers ko from the very start, 10 years ago. Hindi ako co-producer kasi mas hahawakan ko ‘yung pagiging MD (musical director), mas doon ang focus ko.

“Mas doon ako sa music kasi nga ngayon ko lang gagawin ‘yung 21-piece big orchestra kaya iyon ang pinapasulat ko ngayon, ang mga piyesa,” kuwento ni RP.

Nabanggit namin na marami nang naging shows si Richard sa loob ng siyam na taon. Ano ang bago niyang ipapakita sa kanyang 10th year anniversary concert?

“Gusto kong sumayaw na parang John Prats kaya siya ang direktor ko,” birong sabi ng singer.

Sabay bawi, “Gusto kong gumawa ng big band na parang Bruno Mars kahit konti. ‘Yung synchronize na sumasayaw pati musician. Si Bruno Mars kasi super dance, ang hirap gawin no’n.

“Two and half years ko nang tina-try wala akong mahanap na players (musicians). Kasi ‘yung mga players, you pay them to read the notes and play and they get out, pay and get out. Ganu’n lang sila.

“Mahirap kasing gawin ‘yun. Number one, why would they memorize the songs without piyesa, kasi pag sumayaw ka walang piyesa. Number two, why would they memorize the dance steps, so with John sabi ko, hindi kaya ng musikero ko.

“So, let’s get dancers kaya first time ako gagamit sa concert ko ng all male dancers na naka-suit lahat para achieve ko ‘yung gusto kong mala-Bruno Mars pero Michael Buble naman ang tugtugan ko na sabay-sabay ang galaw.

“’Yun ang gusto ko kasi parang I want to give something na kapag nag-fast songs kami, magugulat ka na ang ganda tingnan ng sabay-sabay,” masayang kuwento ni Richard sa plano niya sa show.

Tinanong namin na baka puwede rin siyang kumanta ng Bruno Mars hits pero babaguhin ang atake base sa istilo niya bilang Crooner.

“This time baka wala, tingnan natin kung aabot, pero meron akong novelty na Tagalog like ‘yung kay Inigo (Pascual) na Dahil Sa ‘Yo sa big band at ‘yung kay Moira na Titibo-Tibo baka gawin kong jazz. Pero Bruno Mars, tingnan ko kung aabot,” sabi ni RP.

Read more...