‘Right-hand man’ ni Kerwin Espinosa patay sa operasyon

Napatay ang umano’y “right-hand man” ng aminadong drug lord ng Visayas na si Kerwin Espinosa nang makabarilan ng mga pulis sa Ormoc City, iniulat ng pulisya Linggo.
Nakilala ang nasawi bilang si Max Miro, tubong Albuera, Leyte, sabi ni Chief Insp. Ma. Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Eastern Visayas regional police.
Naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi Biyernes, sa Purok 3, Brgy. Bantigue, aniya.
Dadakpin sana ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit, Ormoc City Police, at Leyte provincial police si Miro nang siya’y manlaban at magpaputok ng baril, kaya pinaputukan ng mga operatiba, ani Rentuaya.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng warrant of arrest na nilabas ni Baybay City Regional Trial Court Branch 14 Judge Carlos Arguelles para sa kasong murder, aniya.
Itinakbo pa si Miro sa OSPA-Farmers Medical Center, ngunit di na umabot nang buhay.
Narekober sa suspek ang isang kalibre-.45 pistola na may apat pang bala, habang malapit sa bangkay nito’y natagpuan ang isang basyo.
Naganap ang insidente wala pa tatlong linggo mula nang mapatay naman sa ambush ng mga di pa kilalang salarin ang abogado ni Espinosa na si Atty. John Ungab, sa Cebu City, noong Peb. 19.

Read more...