EXCLUSIVE na nakausap si Cong. Vilma Santos-Recto nina Arnold Clavio at Ali Sotto kahapon sa kanilang radio program.
May kinalaman ito sa pagdalo ng Star For All Seasons sa 30th anniversary ng Philippine Women Judges Association last Thursday sa Manila Hotel.
Eh, sa okasyong ‘yon, dumalo rin sina Supreme Court Chief Justice Lourdes Sereno at SC Associate Justice Teresita de Castro.
Gaya ng naglabasan sa mga news reports, nagkaroon ng parunggitan ang dalawang justices matapos magsalita si CJ Sereno tungkol sa naganap na hearing about the impeachment process na ayon kay AJ De Castro eh, hindi tamang oras at lugar para sabihin ang damdamin niya sa proseso.
Ayon kay Cong. Vi, hindi niya inaasahang mapapagitnaan siya ng “magkalabang’ Chief Justice at Associate Justice de Castro. Kaya naman nu’ng turn niya para magbigay ng speech, nabulalas niya, “Ang bigat-bigat ng loob ko! Puwede bang kuwentuhan na lang tayo?”
“Hindi ko alam na ganyan pala kalaki ‘yan. Doon pa ako malalagay sa gitna! Ha! Ha! Ha!” dagdag ng kongresista ng Lipa.
Isang malaking karangalan kay Cong. Vilma na maimbitahan sa okasyong ‘yon.
“Imagine, lahat ng kaharap mo, Your Honors! Kaya sabi ko, ‘Teka, iba na yata ang level ko! Your Honors silang lahat so tensyon na ako pagdating ko pa lang,” saad niya.
q q q
Itinanggi naman niyang may iwasang naganap sa dalawang hukom. “Walang iwasan. Late na ako dumating kaya sa likod na ako dumaan,” sey pa niya.
Tinanong siya kung bakit nasabi niyang mabigat ang loob niya nu’ng sandaling ‘yon.
“Naramdaman ko lang after ng speech ni Chief Justice. Kung makikita mo nga ‘yung picture, na-shock ako! Tumayo nga si Justice de Castro at nagbigay ng message niya na this is not the right place and time.
“I was just listening. ‘Oh my God!’ Then ‘yun nga, pag-upo niya, ako na ang susunod. So pag-upo niya, sabi sa akin ni Chief Justice, ‘Look Ate Vi! What’s happening?’ Doon ako natensyon!” lahad pa ng award-winning actress.
Hindi na nga raw niya alam ang sasabihin kaya nang pumunta sa podium, nasabi niya, “Ang bigat-bigat ng loob ko! Sinabi ko lang ‘yung totoong nararamdaman ko. Na ang maganda naman, I think the audience agreed with me,” paliwanag pa ni Cong. Vilma.
Para nga mabawasan ang tensyon, nabanggit niyang magkuwentuhan na lang sila na siya naman niyang ginawa at ikinuwento ang pagsisimula niya bilang artista hanggang sa pasukin niya ang pulitika.
“Wala akong ibang intensyon na guso kong ma-ease ang tension. Sinabi ko lang kung ano ang nararamdaman ko at nag-agree naman ang ginagalang nating judges. Kasi ang theme nila is Fabulous at 30 kaya ‘yun ang sinabi ko,” paliwanag pa ni Ate Vi.
Tungkol naman sa picture na lumabas sa dyaryo na hawak-hawak niya ang mukha ni Chief Justice, nagpapaalaman na raw sila noon. Dahil alam niya ang pinagdaraanan ni CJ Sereno, nagsabi siyang ipagdarasal niya ito.
Anyway, pagdating naman sa impeachment proceedings, babasahing mabuti ni Cong. Vilma ang Justice Committee Report upang pag-aralang mabuti bilang bahagi ng responsibilidad niya bilang kongresista.
Samantala, iisa naman ang tanong sa amin ng mga Vilmanians, kailan daw uli gagawa ng movie ang Star For All Seasons? Naku, let’s just pray na magkaroon siya ng free time para muling maregaluhan ng pelikula ang mga fans.