Bernardo Bernardo nagpakita ng tapang kahit mamamatay na


SUMUKO na sa pakikipaglaban sa pancreatic cancer ang magaling na aktor ng entablado, telebisyon at pelikula na si Bernardo Bernardo. Si BB, si Bernie, ang masayahing aktor na maraming kaibigan sa industriya.

Kuwento ni Richard Reynoso, ang namuno sa ibinigay naming benefit show para sa komedyante, “Nu’ng dalawin namin siya ni Bebang (Beverly Salviejo) para iabot ang nalikom natin sa benefit show, napansin ko na ibang-iba na ang itsura at kulay niya.

“Valentine’s Day ‘yun, nag-try pa siyang magpakasigla, gusto niyang ipakita sa amin ni Beverly na matapang siyang lumalaban. Payat na payat na siya, makikita mo ang napakalaking deterioration ng katawan niya.

“Nu’ng paalis na kami, e, inakbayan ko ang nag-aalaga sa kanya. Ang sabi ko, e, tapatin niya ako, sabihin niya ang totoo. Sinabi sa akin ng kasama ni Bernie na halos hindi na siya nakakakain, kaya wala rin siyang idinudumi.

“Ang ihi niya, e, kulay itim na, makakain man siya nang konti, isinusuka rin agad niya. Sabi ko, dasal na lang talaga ang kailangan nating gawin,” kuwento ng mapusong singer.

Ang taos-puso po naming pakikiramay sa mga iniwan ng isang magaling na anak ng lokal na aliwan, ng isang kaibigan, isang mapayapang paglalakbay kay Bernardo Bernardo.

Read more...