Buko vendor inabutan ng karma

NAGWAGI ng milyon-milyong sympathizers sa social media ang buko vendor na si Romnick Relos dahil sa pagka-kabugbog sa kanya ng mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Nag-viral sa social media matapos inilabas ng isang netizen ang pang-aapi kay Relos.

Oo nga naman. Naghahanapbuhay yung tao ng marangal pero binugbog siya ng MMDA sidewalk clearing crew.

Humihingi lang naman si Romnick ng kaunting panahon na hakutin ang kanyang paninda habang nililinis ng MMDA crew ang sidewalk, pero di siya pinagbigyan.

Noong Martes, inaresto si Romnick, kasama ang kanyang dalawang kapatid na sina Roy at Dondon, ng mga pulis.

Bakit?

Hindi dahil sa insidente, kundi dahil sina Romnick, Roy at Dondon Relos ay matagal nang pinaghahanap ng batas.

Ang magkakapatid ay may kasong murder sa Masbate.

Pinatay nila ang kanilang kapitbahay sa loob mismo ng bahay ng biktima at sa harap ng asawa nito noong 2007.

Mula noon ay tumakas sila at nagtago sa Maynila.

May warrant of arrest ang magkakapatid na Relos.

Nang makita ng mga kamag-anak ng murder victim ang video ng pambubugbog kay Romnick sa social media, pumunta sila sa pulis.

Unang nahuli ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sina Roy at Dondon sa kanilang tahanan.

Si Romnick ay naaresto sa loob ng TV5 habang nasa programa ng aking kapatid na si Raffy Tulfo.

Nagsusumbong si Romnick kay Raffy tungkol sa sinapit niyang pang-aapi sa mga kamay ng MMDA.

Di pumalag si Romnick nang siya’y arestuhin mismo sa programa ni Raffy.

Kung hindi dahil sa social media, hanggang ngayon ay nakakalaya pa rin sana ang tatlong magkakapatid na Relos.

***

Anong aral ang makukuha natin sa pagkakaaresto sa mga Relos brothers?

Na walang utang na di pinagbabayaran.

The law of karma was at work in the arrest of the Relos brothers.

Sa milyon-milyong tao sa Metro Manila, bakit pa si Romnick ang napiling mabugbog ng MMDA at makunan ng isang netizen at i-post ang insidente sa social media?

Ang sagot diyan ay napapanahon nang maaresto ang magkaka-patid.

The mauling incident was not a coincidence. It was a way of the universe to give justice to the man they murdered in Masbate 11 years ago.

Nothing in this world happens by accident. Everything is preordained.

***

Sumulat si Customs Commissioner Sid Lapena sa mga editors ng Bandera at kinaklaro ang sinabi ng inyong lingkod sa huling column ko tungkol sa isang hinuling shipment ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ito ang mga clarifications ni Lapena:

–Hindi dumaan kina Collector Balmyrson Valdez ng Manila International Container Port at Evelyn Rivera na tauhan ni Valdez ang mga papeles dahil ang shipment ay nasa kategoryang “yellow lane.”
Ang mga kargamiyento na classified sa yellow lane ay yung mga consigned sa mga big and reputable companies gaya ng mga multinationals.

–Maayos ang mga dokumento. “There was consistency in the declaration, packing list and commercial invoice upon examination of the documents,” dagdag pa ng customs commissioner.

–Nagpapasalamat daw ang Bureau of Customs sa NBI sa pagtulong sa anti-smuggling, pero tanging ang customs bureau lang daw ang may karapatang humuli ng mga smuggled shipments.

–Wala raw authority si Noel Prudente, deputy customs commissioner for Management Information System and Technology, na mag-alert ng mga shipments.

Ok, Mr. Commissioner, ganito naman ang mga sinabi ng mga taga NBI sa inyong lingkod upang masagot ko ang inyong clarifications:

Kahit na di dumaan sa desks nina Valdez at Rivera ang mga shipping documents, tauhan pa rin ni Valdez ang nagproseso ng mga ito.

Pananagutan pa rin ni Valdez ang paglabas ng smuggled shipment under the principle of command responsibility.

Ginagawang sangkalan ng mga corrupt customs officials and employees ang yellow lane upang kumita.

Hindi naman malaki at reputable ang consignee na Northlink. At hindi multinational.

Maayos daw ang mga dokumento ng nasabing shipment. Eh, bakit ang mga laman ng container van ay mga gamot at ibang mga highly-dutiable goods? Ang pag-aangkat ng gamot ay dapat may approval ng Food and Drug Administration (FDA).

Nakasaad sa shipping documents na mga mumurahing bags ang laman. Mangilan-ngilan lang ang mga bags na nakita, one-third ng laman ay mga gamot na pinaghihinalaang galing ng China.

Tanging ang customs lang ang dapat manghuli ng smuggled shipments.

Ang layunin ng NBI ay hindi anti-smuggling kundi anti-graft. Inaalam ng NBI kung sino sa iyong mga tauhan, Mr. Commissioner, ang mga corrupt para masampahan sila ng kaso.

Si Prudente ay walang authority na mag-alert ng shipment. Pero, Mr. Commissioner, di mo kinakaila na siya ay iyong malapit na kamag-anak. Alam ng mga taga customs kung sino ang nagsasabi sa iyo kung anong shipments ang i-hohold o papayagang makalabas.

Read more...