SA ginanap na media conference ng pelikulang “Ang Pambansang Third Wheel” ay biniro namin ang direktor na si Ivan Andrew Payawal dahil sa kanyang suot na akala mo’y miyembro ng boy band. Natawa siya sa sinabi namin.
Inamin ng batang direktor na matindi ang kabang nararamdaman niya sa kanyang unang mainstream movie na “Ang Pambansang Third Wheel” na siya rin mismo ang sumulat dahil nga hindi niya pera ang ginastos dito unlike sa mga indie films na ginawa niya in the past.
Kaya naman nakikiusap siyang sana ay suportahan ng manonood ang unang tambalan nina Sam Milby at Yassi Pressman mula sa Viva Films at line-produced ng IdeaFirst Company.
“Kasi kung pera ko po ang ginamit ko dito sa movie, walang ibang sisisihin kung hindi kumita, pero siyempre Viva ang may gastos, so nakakakaba, pero excited ako kasi maganda naman po ang pelikula namin,” katwiran ni direk.
Dagdag pa ni Ivan, “Hindi ko po maipaliwanag kung gaano po ako ka-excited. May halo din pong nerbiyos because when we make movies, binibigay natin nang buong-buo ang ating mga sarili para mapaganda ang pelikula.
“I make sure I give it my all and share a part of me kaya nakakakaba talaga kasi para kang hinuhubaran kapag pinapalabas na ang pelikula mo. And you really want the majority to like it. I’m really proud of this movie,” aniya pa.
Nagpakuwento kami kay direk kung ano ang pinakatema ng “APTW”, “Ang pelikula ay tungkol kay Trina (Yassi), na lagi na lang third wheel sa mga kakilala niyang couple. Ang mga third wheel ay ang mga single na naghihintay dumating ang the one sa kanilang buhay. At habang naghihintay sila, sumasama sila lagi sa mga couple friends niya.
“There’s a different twist sa story. Kasi usually pag third wheel, ito yung laging dumidikit sa couple friends pero here sa movie, she entered a relationship kung saan si Neo, character of Sam, ay may anak at kailangan niyang pakisamahan ang anak nito.
“Third wheel pa rin siya. Basically, the story tackles the challenges of being in a relationship and trying hard to work on it kasi sabi nga nila, kapag mahal mo ipaglalaban mo talaga,” pahayag ng direktor.
q q q
Parehong first time makatrabaho ni direk Ivan ang mga bida ng “Pambansang Third Wheel” kaya tinanong siya ng naging working experience niya sa pelikula.
“The best thing about Yassi is her drive. She’s so hardworking. Kahit puyat at pagod yan galing sa taping ng Ang Probinsyano, she comes on time. She comes prepared.
“Never yan nagreklamo. Never ko yan nadinig na magsabi na pagod na siya. Binibigay niya more than 100% kaya gaganahan ka ring magtrabaho. Her corny jokes are the best! Ako lang yata tumatawa sa jokes niya.
“Si Sam naman, he is one of the most kind-hearted people I know. He comes in on set always with a smile. He makes sure na busog ang mga tao sa set dahil lagi yan nagpapakain. And when it comes to work, he’s very focused. Makikita mo na mahal niya ang trabaho niya kaya siya tumatagal sa industriya.
“There was one time, sumakit ang sikmura niya sa set dahil acidic pala siya. We were telling him na isusugod na namin siya sa ospital. Kasi hirap na siyang tumayo sa sobrang sakit. But he didn’t want to leave, he wanted to finish his sequences kasi nahihiya siya sa mga tao. Kaya mahal na mahal namin sina Yassi at Sam,” papuri ni direk Ivan sa dalawa.
Ang unang pelikula ni direk Ivan sa Viva ay ang “I, America” na siya mismo ang nag-produce at nagdirek na pinagbidahan ni Bela Padilla.
May gusto sana kaming itanong kay direk Ivan tungkol kay Bela pero sa ibang pagkakataon na lang para hindi mawala ang focus ng promo ng “Ang Pambansang Third Wheel” na ngayong araw.
Bukod kina Sam at Yassi, kasama rin sa cast sina Al Tantay, Sam Pinto, Candy Pangilinan, Francine Prieto, Kim Molina, Cholo Barretto, Bob Jbeili at Alonzo Muhlach.