Maute-ISIS sub-leader, misis dakip sa Maynila

Nadakip ng mga tropa ng pamahalaan ang isang sub-leader ng ISIS-backed na Maute terror group at kanyang misis, nang magsagawa ng operasyon sa Tondo, Manila.
Naaresto ang sub-leader na si Nasser Lomondot alyas Muhamad Lomondot at misis niyang si Riasalam, na kasapi din ng grupo, sabi ni Dir. Oscar Albayalde, heoe ng National Capital Region Police Office.
Mga tauhan ng Manila Police District (MPD), National Intelligence Coordinating Agency, PNP Intelligence Group, at Army 103rd Brigade ang dumakip sa dalawa nitong Sabado ng hapon, sa C.M. Recto ave., malapit sa Dagupan st.
Nakuhaan ang dalawa ng isang granada at kalibre-.45 pistola, ani Albayalde.
Sangkot si Lomondot sa pag-atake sa isang detachment ng mga militiaman sa Brgy. Mantapoli, Marantao, Lanao del Sur, noong nakaraang taon, ayon sa NCRPO chief.
Sangkot din umano siya sa pagpatay sa mga Kristiyano, gumamit ng dahas sa mga babae’t batang hostage, at isa sa mga nagplano ng pag-atake sa bayan ng Marantao, lahat noong kasagsagan ng Marawi Siege, ani Albayalde.
Sa datos na inilabas ng MPD, lumabas na namataan si Lomondot sa Laguindingan International Airport ng Cagayan de Oro City, noong Pebrero 15 at sa CDO-Iligan Road nang gabing iyon.
Mula Pebrero 20 hanggang sa maaresto, na-monitor na si Lomondot sa Divisoria at C.M. Recto ave., lalo na sa Dagupan st. kung saan siya napag-alamang nakatira.
Ayon kay Maj. Ronald Suscano, tagapagsalita ng Army 1st Infantry Division, nagsanaw din si Lomondot kasama ang iba pang terorista sa Butig, Lanao del Sur, bago ang pagkubkob sa Marawi City.
Mula nang mapatay noong nakaraang taon si Isnilon Hapilon, emir ng Maute-ISIS sa Timog-Silangang Asya, nagpulasan ang mga nalalabing miyembro ng grupo at nagtago sa iba-ibang bahagi ng Lanao del Sur, aniya.
Matapos ang siege, may naitalang 313 kasapi ng Maute-ISIS na nalalabi at 10 sa mga ito ay mga sub-leader, sabi ni Suscano sa mga reporter.
Ang pumalit kay Hapilon, na nakilala lang sa alyas na “Abu Dar,” ay pinaniniwalaang nagtatago pa rin sa Lanao del Sur, partikular na sa sinilangang bayan nito na Pagawayan, aniya.
Pinaniniwalaan na si “Abu Dar” ang may dala sa bahagi ng pondo ng grupo at patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga banyagang terorista.
“May natitira kasi na foreign terrorist pa eh, kaya ‘yun naman ang nakakasama niya rin sa ngayon. Di lang naman masyadong ma-identify kung ilan, kung sino ‘yung mga foreign terrorist na natira,” ani Suscano.

Read more...