Sinabi ni PO1 Romel Ediong, ng Loay police station, na base sa testimonya ng mga pasahero, ganap na alas-5:40 ng hapon habang binabagtas nila ang Palo Bridge sa Barangay Palo, Loay, tinangkang iwasan ng driver ng Southern Star bus ang isang motorsiklo na sumusunod sa tourist bus.
Nawalan ng kontrol ang Southern Star bus dahilan para bumangga ito sa tourist bus.
Bumangga ang Southern Star bus sa mga bakod ng tulay at nahulog sa 10-talampakang ilog. Tinatayang 39 pasahero at apat na crew ang sakay ng bus na galing mula sa bayan ng Ubay.
Bumangga naman ang tourist bus, sa motorsiklo, dahilan para tumilapon ang driver at pasahero nito.
Bumagsak ang motorsiklo sa dulo ng ilog.
Dinala ang 23 sugatang pasahero ng Southern Star sa Gov. Celestino Gallares Memorial Hospital sa Tagbilaran City.
Wala namang nasaktan sa mga pasahero ng tourist bus na naglalaman ng 18 Koreano at tatlong crew mula sa Carmen. Papunta sana ang bus sa Tagbilaran City.
Sinabi ni Ediong na karamihan ng mga nasugatan ay nakalabas na ng ospital maliban sa mga sakay ng motorsiklo.