MARAMING mga dating senador , kongresista at mga director o district engineer ng DPWH ang nakikita na ngayon ang perwisyo ng kanilang kawalanghiyaan sa mga nakaraang dredging, desilting at iba pang kinwarta flood control projects noon.
Isipin niyo, 50 porsyento ang lagayan dito at na-perfect na ang ganitong palakad sa mga dgovernment accounting. Photo op lang ng “crane’ at ilang trabahador at presto! Bayaran na kaagad. Di na nakita ng bayan kung may nagtanggal sa mga baradong estero.
Akala ng lahat matitigil na ito nang bumandera ang P600- Pasig River dredging anomaly noong 1987 kung saan sa higit 10 mga dredgers na kinontrata ng DPWH, isa lang ang tunay na nagtatrabaho at ang iba ay Bogus o wala namang hinukay o hinakot. Ni wala ngang nakulong o nasentensyahan. Kapag dumating ang baha, sasabaihin nilang nawasak din ang kanilang mga proyekto, kayat nababayaran din.
Lalo itong lumala sa panahon ni Tita Cory, at nagpatuloy sa panahon ni Ramos, Estrada, at Gloria. Ginawang gatasan ang bilyun-bilyong pisong pondo sa palagiang dredging sa Tripa de Gallina, sa Pasay at Estero de sunog-Apog, Tondo, Tulliahan river, at maraming lugar sa CAMANAVA area.
Nangyayari pa rin kaya ito sa ilalim ng Tuwid na Daan ni PNoy? Hindi kaya 15-20 percent na lang ang bigayan tulad nang naririnig natin ngayon? Noong Huwebes, nagbigay ng tig- P10,000 na anniversary bonus si Pnoy sa DPWH. Ito ba’y stamp of approval na wala nang nangungurakot sa nasabing ahensya? Bigyan din kaya ang MMDA sa anibersaryo nito sa October 24?
vvv
Tama naman itong si MMDA chairman Francis Tolentino nang sabihin nitong nagpalala sa baha dito sa Metro Manila noong nakaraang Huwebes at Lunes ang maraming drainage improvement projects ni DPWH-NCR director Reynaldo Tagudando. Nagbaha sa ibat ibang lugar tulad ng Sampaloc,Maynila, Magalllanes, Makati at sa Libis ,QC.
Ang mga nakabuyangyang na mga hukay na ito’y barado kayat nag-overflow ang tubig baha. Pero, ito raw ay di kasalanan ng MMDA kundi ng mga contractor na ang mga proyektong matatapos sa Disyembre.
Bwelta naman ng mga taga DPWH-NCR at mga contractors, ang umano’y mabagal na pag isyu ng traffic permit ng MMDA. Hindi raw sila makapagsimula sa oras dahil ang tagal magdesisyon ng tanggapan ni Chairman Tolentino. Meron pang mga kwento na sinasadya raw silang pahirapan para umareglo.
Pero, ang sagot naman ni Tolentino ay nag-iingat lang sila sa mga desisyong sarhan ang mga malalaking kalye tulad ng gusto ng mga contractors. Kaya nga, tuwing weekend lang pumapayag ang MMDA para ituloy ang mga trabaho na may diggings lalo na sa gabi hanggang madaling araw lamang tinatakda ang schedule para walang trapik.
Kung titingnan, solusyon sa baha ang prayoridad ng DPWH at magandang daloy ng trapiko naman ang prayoridad ng MMDA . Parehong tama para sa taymbayan. Pero bakit nagkaproblema? Hindi ba sila nag-uusap?
Bakit kailangang magpatawag pa ng miting si Pnoy noong Miyerkules sa Malakanyang para pag-usapan ang mga pagbaha sa Metro Manila at pagharapin ang DPWH at MMDA ? Kundi pa kay Pangulo, hindi matatapos sa Disyembre ang 70 drainage improvent projects ng DPWH na kulang ang permiso mula sa MMDA.
At para sa ating mamamayan, ang masakit dito ay kung kailan tag-ulan na at binaha na tayo noong Huwebes at saka magkakaisa at aaksyon ang MMDA at DPWH-NCR. Kung tutuusin, dapat ay mag-usap lang palagi sina Chairman Tolentino at Director Tagudando ng DPWH-NCR para malutas ang maraming isyu sa pagitan ng kanilang tanggapan. Unless of course, kung kontrata at komisyon ang nasa likod ng mga isyu, talagang mag-aaway nga.
Makinig sa programang BANNER STORY, Lunes hanggang Biyernes 6-9 am sa RADYO INQUIRER DZIQ sa AM band. Kasama ko sa programang ito si beterana at respetadong mamamahayag na si Ms. Arlyn de la Cruz.